'Career officer ang ilagay na chairman ng COA'
MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ng ilang senador kay Pangulong Noynoy Aquino na piliin ang isang career officer kung sakaling papalitan si Commission on Audit (COA) chairman Reynaldo Villar.
Ayon kay Senate Pro-Tempore Jingoy Estrada, bagaman at iginagalang niya ang karapatan ng Pangulo na mamili kung sino ang ilalagay sa kaniyang gabinete, pero dapat umanong ikonsidera na mula mismo sa loob ng COA ang gagawing chief ng COA.
“Dapat taga-COA mismo lalo na iyong mga career official na may malinis na record. Prerogative na ni Presidente Aquino kung sino talaga ang gusto niya pero mas maganda kung tagaloob mismo ng COA,” sabi ni Estrada.
Halos ganito rin ang pananaw ni Senator Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na sang-ayon rin na mismong taga COA ang maging pinuno ng komisyon kaysa sa isang political appointee.
Nakatitiyak si Zubiri na may mga magagaling at hindi korupt na tauhan ang COA na karapat-dapat sa posisyon.
Mas tataas umano ang morale ng mga empleyado ng COA kung mula mismo sa kanilang ahensiya ang kanilang magiging boss.
Pabor rin si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na isang career official ang maging bagong COA chief pero dapat umanong resolbahin ang isyu tungkol sa termino ni Villar bilang hepe ng COA.
Matatandaan na inihayag ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na maaaring manatili muna sa kaniyang puwesto si Villar hangga’t walang napipiling kapalit nito ang Pangulo.
- Latest
- Trending