Tugisin si Ping!
MANILA, Philippines - Inutos na ni Justice Secretary Leila de Lima na patindihin pa ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isinasagawang pagtugis kay Sen. Panfilo Lacson kasunod ng direktiba ng korte na gawin lahat ang hakbang upang maibalik sa bansa ang Senador at harapin ang kasong pagpatay kina publicist Salvador “Bubby” Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito noong November 2000.
Sa isang press conference, sinabi ni de Lima na makikipag-usap siya sa Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay sa kanselasyon ng pasaporte ni Sen. Lacson.
Ito’y matapos ipaubaya na ni Manila Regional Trial Court (RTC) Judge Thelma Bunyi-Medina sa DFA kung dapat na ikansela o hindi ang pasaporte ng Senador matapos na ibasura nito ang motion to cancel Philippine passport na inihain naman ng kampo ni Dacer.
Nilinaw naman ni de Lima na kahit na ibinasura ng korte ang motion to cancel ng warrant of arrest ni Lacson ay nananatili pa rin itong pugante.
Nauna nang hiniling ng prosekusyon sa korte na ikansela ang pasaporte ni Lacson dahil sa argumentong lumabag ang Senador si Section 8 ng Republic Act no. 8239 o Philippine Passport Act of 1996 kung saan maaring ikansela ang pasaporte kung ang may-ari nito ay isang pugante at dahil sa mayroon itong nakabinbing kasong kriminal.
Subalit giit naman ng kampo ni Lascon tanging ang DFA lamang ang may kapangyarihang mag-isyu o mag-deny ng aplikasyon o magkansela ng pasaporte.
Sa halip naman na pagbigyan ng korte ang kahilingan ng prosekusyon, inatasan na lamang ni Judge Medina ang NBI at DFA na gumawa ng aksyon upang maibalik sa Pilipinas ang Senador.
Nauna na ring ibinasura ng korte ang Motion for Re-investigation na inihain ng kampo ni Lacson dahil sa ka walan ng merito at posible rin umanong magkaroon ng impartiality sa proceedings ng DOJ sakaling ipag-utos ng korte ang pagsasagawa ng reinvestigation.
- Latest
- Trending




















