Magat dam 'di na mapapakinabangan
MANILA, Philippines - Malamang na hindi na mapakinabangan at hindi makapagsuplay ng tubig ang Magat dam sakaling walang maganap na pag-ulan sa norte bago matapos ang buwan ng Abril.
Sinabi ni Engr. Saturnino Tenedor ng irrigation department ng Magat Dam, ilang linggo na lamang ang tubig na nakaimbak sa dam kayat malamang na hindi na ito makapagsuplay ng tubig bago matapos ang Marso.
Ang National Irrigation Administration (NIA) na nangangasiwa sa naturang dam ay nagsimulang magrasyon ng tubig para madaluyan ang mga sakahan sa Isabela nitong Enero.
Gayunman, sinabi ng mga opisyales ng NIA na kapag bumagsak sa critical ang water level ng dam, walang dahilan para di nila maipasara ang gates nito kapag wala talagang dumating na ulan.
“Sa tantya namin baka March 21 ay tuluyan nang itigil ang pag-release ng tubig, at ang masaklap pa ay kapag walang tubig sa reservoir, walang maisusuplay sa mga patanim laluna sa panahon ng pagtatanim sa buwan ng Hunyo,” pahayag ni Tenedor.
Samanta, sinabi naman ni Nathaniel Cruz ng PAGASA na wala silang nakikitang magaganap na pag-ulan ngayong dry season.
Ang Magat Dam na may 30 taon na ang operasyon ang isa sa pinaka malaking nagbibigay ng suplay ng tubig sa may 84,000 agricultural lands sa Cagayan, Isabela at Quirino. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending