Anak ni Lucio Tan, pwedeng tumakbo
MANILA, Philippines - Pinayagan na ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) na pumasok sa politika ang anak ng business tycoon na si Lucio Tan, na si Viviene Tan na tatakbo sa pagka-Kongresista ng unang distrito ng Quezon City.
Ito ay makaraang idismis ni QC-RTC Judge Henri Jean-Paul Inting ang kasong sibil na isinampa ni Congressman Bingbong Crisologo na humihiling na madisqualify si Tan sa pagkandidato sa darating na halalan sa Mayo 10, 2010 dahil hindi ito isang Pilipino. Gayunman, sa pinalabas na desisyon ni Judge Inting, napatunayang isang natural-born citizen si Tan kayat walang dahilan para hadlangan ang plano nitong kumandidato sa darating na halalan sa bansa.
Si Tan ay isang negosyante na nagnais na pumasok sa politika upang aniya’y mapaglingkuran niya ng husto ang mga kababayan sa lungsod. Prayoridad niyang isentro ang atensyon sa edukasyon, pabahay at livelihood program oras na palarin sa halalan.
Sinabi din nito na ayaw ng kanyang ama na pumasok siya sa politika pero kagustuhan niyang mapagserbisyuhan ang mga taga-QC. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending