Sinnott laya na!
MANILA, Philippines - Matapos ang 31 araw na pagkakabihag, pinalaya na ng mga kidnaper ang 79 anyos na si Columban missionary priest Fr. Michael Sinnott na inilipat sa pangangalaga ng gobyerno sa Sangali fishport sa isang Muslim village sa Zamboanga City kahapon ng madaling araw.
Sa ginanap na press briefing sa Kalayaan Hall sa Villamor Air Base ng Philippine Air Force sa Pasay City, iniharap sa mediamen ng mga awtoridad si Sinnott.
Si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay sumalubong rin kay Sinnott matapos itong lumapag lulan ng Fokker plane sa Villamor Air Base sa Pasay City.
Si Sinnott na bakas pa ang matinding pagod sa mahabang paglalakbay ay putlang-putla na hinahabol pa ang paghinga at nagpasalamat sa lahat ng tumulong sa kaniyang paglaya.
Ayon sa mga opisyal, bandang alas-4:25 ng madaling araw ng iturnover sa GRP-MILF Joint Ceasefire Committee ng mga elemento ng Moro Islamic Liberation Front sa pamumuno ng Chief of Staff ng grupo na si Mohammad Nassip si Sinnott matapos namang ibigay ito sa kanilang kustodya ng mga kidnappers.
Ang MILF ay naunang nangako na tutulong upang mabawi sa mga kidnappers ang dayuhang paring misyonaryo.
Sinabi ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Ben Mohammad Dolorfino na si Sinnott ay naglakbay sa kabundukan, tumawid sa isang ilog sa pagitan ng hangganan ng Lanao del Norte at Lanao del Sur saka sumakay ng bangka na naglayag ng walo hanggang siyam na oras bago nakarating sa Sangali Fishport sa Zamboanga City kung saan sinalubong ito ng mga opisyal nang pamahalaan.
Magugunita na si Fr. Sinnott ay dinukot ng anim na mga armadong kala lakihan sa Columban Missionary House sa Pagadian City, Zamboanga del Sur noong Oktubre 11.
Ayon pa dito, walang kapalit na ransom ang pagpapalaya kay Sinnott ng mga kidnappers at malaki ang naitulong dito ng MILF.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Defense Secretary Gilberto ‘Gibo’ Teodoro Jr. na dapat managot ang mga kidnappers ni Sinnott na ayon sa pinalayang pari ay mga ‘lost command’ umano.
“Hindi dito natatapos ito, sinong lost command, dapat na managot,” pahayag ni Teodoro.
Itinanggi rin ni Sinnott na mga rebeldeng MILF ang kaniyang mga kidnappers. Sa kaniyang pagharap sa mediamen, sinabi niya na nagpakilalang mga ‘lost command’ ang kaniyang mga kidnappers.
Kasama ni Sinnott sa pagdating sa Villamor ang ilang opisyal ng pamahalaan pagkagaling sa Zamboanga kung saan sinalubong ito ni Pangulong Arroyo kasama si Irish Ambassador Richard O’Brian.
Ayon kay Sinnott, sinabi sa kaniya ng mga kidnappers na ito ang kanilang pinagkukunan ng pera o pinagkakakitaan dahilan sa sobrang hirap ng buhay.
Iniutos din kahapon ni Pangulong Arroyo sa pulisya at militar na maglunsad ng malawakang manhunt operations upang maaresto at papanagutin sa batas ang mga dumukot sa pari.
Iginiit ng Palasyo na walang ibinayad na ransom para sa kalayaan ni Sinnott. Naunang iniulat na humihingi ng $2 milyong ransom ang kidnaper kapalit ng kala yaan nito.
- Latest
- Trending