Alvin Flores, 3 pa todas!
MANILA, Philippines - Nagwakas ang matagal nang paghahanap ng tropa ng Philippine National Police (PNP) sa kilabot na lider ng isang organisadong gang na si Alvin Flores na sangkot sa serye ng robbery sa Metro Manila matapos na mapatay ito sa isang engkwentro sa Cebu City.
Ayon kay PNP chief Jesus Verzosa, si Flores, o alyas Bunso at Daniel Flores, ang pinuno ng notorious Alvin Flores gang, ay nasawi sa pakikipagbarilan sa pagitan ng pinagsanib na puwersa ng PNP at National Bureau of Investigation (NBI) sa may Tripina Ceneca compound sa Bgy. Compostela ganap na alas-8 kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni NBI Director Nestor M. Mantaring, binuntutan ang isa sa kanila hanggang sa magtungo sa hide-out ni Flores sa Dodong’s Resort, Bgy. Estaca, Compostela, Cebu, dakong alas-5 ng hapon noong Huwebes ((Okt. 29), na matapos ang matinding surveillance ay sinalakay at nagkaroon ng palitan ng putok.
Kabilang din sa nasawi ang kanang-kamay ni Alvin na si Richie Hijapon, Marc Salamanca at Roger Sanchez.
Nadakip din ang isa pang miyembro ng gang na kinilalang si Rene Santillan Batiensela.
Nakumpiska sa pinangyarihan ng encounter ang isang M16 rifle, isang KG-9 submachine pistol, dalawang .45 pistols at assorted na bala at isang getaway vehicle na silver Toyota Revo (XGE-164).
Ang NBI Task Force Against Armed Robbery Group na pinamumunuan ni Atty. Roel Bolivar, ang tumugis sa nasabing robbery group mula sa Antipolo hanggang Bulacan, Pampanga, na nagtapos sa Mandaue City, Cebu nang una sa isang miyembro nila ang naispatan.
Ayon pa sa ulat, matapos makumpirma ng tropa ng NBI at PNP ang kinaroroonan ng grupo ni Flores ay agad na nagsagawa ang mga ito ng operasyon bitbit ang warrant of arrest sa kasong robbery.
Habang patungo umano ang tropa sa lugar ng mga suspek ay nakatunog ang mga ito sanhi umano para magkaroon ng engkwentro at masawi ang naturang lider.
Anim pa sa miyembro ng grupo ay nakatakas.
Nasamsam din ng awtoridad ang ilang Rolex watches sa cottage ng nasabing grupo.
Ang Alvin Flores ang isinasangkot sa panghoholdap sa Rolex Store sa Greenbelt 5 mall sa Ma kati city at iba pang holdapan kabilang ang panloloob sa apat na bodega sa Pasig City at tangkang robbery sa Pepsi Cola, Maynila.
Ang naturang grupo din ang nasa likod umano ng serye ng holdapan sa Waltermart sa Muñoz, Quezon City; Union Bank sa Makati City; Union Bank sa Alabang, Muntinlupa City; RC Cola, Valenzuela City at Semicon, Pasig City.
Matatandaang, ipinag-utos ni Versoza ang nationwide manhunt laban sa grupo ni Flores na may patong sa ulo na P500,000 para sa agarang pagkakadakip dito matapos makatakas ang mga ito sa hinoldap na mall.
- Latest
- Trending