Local campaign lalarga na
MANILA, Philippines — Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil na handa na sila sa pagsisimula ng local campaign period para sa May 2025 midterm elections bukas, Marso 28 sa buong bansa.
Kasabay nito, nagbabala rin si Marbil sa sinumang magtatangkang manggulo o manakot upang guluhin ang demokratikong proseso.
Kasabay ng pagsisimula ng kampanya, inatasan ng PNP Chief ang lahat ng regional, provincial, city, at municipal police commanders na pangunahan ang pagpapanatili ng isang mapayapa, malinis, at maayos na halalan.
Sinabi ni Marbil na dapat na handa ang lahat ng ground commander sa anumang banta, kumilos ng naaayon sa batas at manatiling patas.
Binigyan diin ni Marbil na puspusan na ang seguridad ng PNP sa buong bansa, lalo na sa mga election hotspots at lugar na may matinding tunggalian sa pulitika.
Kabilang dito ang mas pinaigting na intelligence gathering, pinalawak na presensya ng pulisya, at mahigpit na koordinasyon sa Comelec, AFP, at iba pang ahensya ng gobyerno.
- Latest