RP hinangaan ng UN sa bilis ng rescue, relief
MANILA, Philippines - Hinangaan ng United Nations ang gobyerno ng Pilipinas sa ipinakitang bilis sa pag-ligtas, search and retrieval at paghahatid ng relief goods sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Ondoy.
Sinabi ni Dr. Jacqueline Badcock, UN resident representative sa idinaos na Manila Flash Appeal, ang naging aksyon ng gobyerno ng Pilipinas ay dapat purihin dahil sa napakaraming tao sa magkakahiwalay na lokasyon na apektado sa magkakasabay na panahon ang natugunan.
Kahanga-hanga rin anya ang ipinakitang pambansang pagkakaisa mula sa pinakamataas na antas ng gobyerno hanggang sa iba’t ibang komunidad.
Pinasalamatan naman ni Defense Secretary Gilbert Teodoro na tumatayo ring chairman ng National Disaster Coordinating Council (NDCC), ang pagkabilib na ipinaabot ng dayuhang organisasyon at suportang ibinibigay nito.
Ang Flash Appeal ay pormal na inilunsad sa Geneva at naglalayong makalikom ng US$74 million halaga ng tulong mula sa international community upang agarang matulungan ang tinatayang isang milyong taong labis na apektado ng nagdaang bagyo. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending















