Customs 'gatasan' sa 2010
MANILA, Philippines – Pinangangambahang gagawing milking cow o gatasan ang Bureau of Customs upang mangalap ng pondo para sa mga kandidato sa 2010 elections.
Ayon sa isang impormante, “fund raising” para sa 2010 elections at matinding bangayan ng ilang grupo sa Malacañang ang dahilan kung bakit kahit ‘iligal’ ay lumikha ng bagong opisina sa Bureau of Customs ang gobyernong Arroyo.
Noong Mayo 25, nilagdaan ng Pangulo ang Executive Order 805 na naghati sa Intelligence and Enforcement Group sa tanggapan ng Intelligence Group Enforcement Group kung saan naitalaga si Jairus D. Paguntalan bilang IEG deputy commissioner at Horacio Suansing bilang EG deputy commissioner.
Si Paguntalan ay isang career executive service officer, director ng Customs Intelligence and Investigation Service at natalagang IEG officer in charge bago ito hinati ng Malacanang. Si Suansing naman ay pamangkin ni Sen. Miriam Defensor Santiago at district col-lector ng Port of Manila.
Ayon sa mga sources sa Palasyo, “matindi” umano ang naging “pressure” ng mga padrino ni Suansing upang bigyan ito ng mas mataas na posisyon sa ahensiya at makaiwas masibak bilang customs collector dahil sa kabiguang makuha ang target collection nito sa nakaraang tatlong taon.
Hindi naman bago ang impormasyon na muling magsisilbing ‘cash cow’ ang BOC para sa ilang kandidato ng administrasyon sa 2010 elections dahil ilan din sa mga dating opisyal nito, tulad ni dating IEG deputy commissioner Ray Allas, ay patuloy na naglilingkod sa Malacañang sa tang-gapan ng ‘Office of the Presidential Adviser on Revenue Enhancement’ na pinamumunuan ni Narciso ‘Jun’ Santiago, asawa ni Sen. Defensor Santiago at tiyuhin ni Suansing.
Bilang EG deputy commissioner, hahawakan ni Suansing ang Enforcement Security Service at ang sentrong tanggapan sa pagbabayad ng buwis sa BOC o ang Certificate of Payment Centralized Clearing Center.
Hindi rin umano matanggihan ni Mrs. Arroyo ang grupong sumusuporta kay Paguntalan na may malapit umanong kamag-anak sa loob mismo ng Office of the President. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending



















