Lacson, atras na sa 2010 pres'l race
MANILA, Philippines - Dahil sa kakulangan umano ng pondo, hindi na tatakbong presidente sa 2010 elections si Senator Panfilo “Ping” Lacson.
Sa panayam ng ABS-CBN News kay Lacson, sinabi ng senador na ‘financial’ ang pangunahing dahilan kung bakit uma tras siya sa presidential race.
Aminado rin si Lacson na palagi siyang nahuhuli sa mga surveys kaya mahihirapan siyang makapangalap ng pondo para maisulong ang kanyang kandidatura.
Base sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na ipinalabas kamakailan, bumaba pa ng 9 na porsiyento ang rating ni Lacson.
Duda naman si dating Pangulong Joseph Estrada na ang kawalan ng pondo ang totoong dahilan nang pag-atras ni Lacson.
Posible umanong may kinalaman ang pagbabalik sa bansa ni dating PNP official Cezar Mancao sa naging desisyon ni Lacson.
Sa mga naunang affidavit ni Mancao, isa si Lacson sa itinuturong mastermind sa pagpatay kina dating PR man Bubby Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito.
Simula nang dumating sa bansa si Mancao, naging mailap na sa media si Lacson at hindi nagpapa-unlak ng panayam. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending





















