Pinay ligtas na sa bitay
MANILA, Philippines – Ibinaba na ng Taiwanese court sa hatol na habambuhay na pagkabilanggo ang sentensyang bitay sa Pilipi nang si Cecilia Alcaraz matapos mamagitan ang pamahalaan ng Pilipinas.
Nauna rito, hinatulan ng Kaoshing district court si Alcaraz, isang English tutor, ng parusang kamatayan sa kasong pagnanakaw at pagpatay kay Chiu Mei-yun noong 2007.
Kamakailan, kinalampag ni Senator Manuel Villar Jr. ang pamahalaan na umaksyon sa kaso ni Alcaraz na nakatakda sanang bitayin sa pamamagitan ng firing squad.
Masusing tinimbang ng Taiwanese court ang apela ng pamahalaan na hinimok ni Villar na umaksyon matapos pumunta sa tanggapan ng dating Senate President ang pamilya ng biktima noong Oktubre 29 para magpatulong.
Kinumpirma ng tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs na si Ed Malaya na ibinaba na ng korte ng Taiwan sa parusang habambuhay na pagkabilanggo ang hatol kay Alcaraz.
Iginiit naman ng Migrante na hindi sapat na maibaba ang hatol kay Alcaraz. Dapat anilang palayain ito.
Ayon kay Migrante Chairman Gary Martinez, kung hindi noon inupuan ng Philippine government ang kaso ni Alcaraz, hindi sana ito nakulong. Naniniwala siyang ang biktima ay napilitan lamang umamin sa kaso dahil sa mga pagbabanta sa buhay nito.
Sinasabi noon ni Alcaraz na dalawang Taiwanese ang talagang pumatay sa kanyang amo.
Si Alcaraz ay dating merchandiser sa isang department store dito sa Pilipinas bago nagtungo sa Taiwan para makahanap ng mas malaking pagkakakitaan.
Base sa rekord, si Alcaraz na nagtuturo ng English sa Taiwan ay dinakip ng pulisya matapos na iturong siyang pumatay kay Mei-yun. Narekober ang bangkay ni Mei-yun sa isang masukal na basurahan sa Taiwan noong Setyembre 15, 2007.
Si Alcaraz ay nag-plead ng “not guilty” subalit hinatulan ng mababang korte ng nakalipas na taon ng parusang kamatayan kaya iniapela niya ito sa Appellate Court.
Kahit mananatili sa kulungan, bahagyang nakahinga nang maluwag ang pamilya ni Alcaraz sa Pilipinas dahil sa pagkakaligtas sa bitay ng naturang OFW. Gayunman, naniniwala silang hindi nito magagawang pumatay ng tao.
- Latest
- Trending




















