Smith sumibat na pa-US
MANILA, Philippines - Tumulak na kahapon pabalik sa Amerika ang naabsweltong si US Marine Lance Corporal Daniel Smith.
Ito ang kinumpirma kahapon ng US Embassy, isang araw matapos i-abswelto ng Court of Appeals (CA) si Smith sa kasong rape na isinampa laban sa kaniya ni Suzette Nicolas alyas Nicole.
Sa press statement na ipinalabas ng Embahada, pinangasiwaan umano ng US military officials ang pagbiyahe kay Smith pabalik ng US.
“Following the decision of the Philippine Court of Appeals, Daniel Smith departed the Philippines under the authority of United States military officials,” anang US Embassy.
Base pa sa pahayag ng embahada, nakarating na sa kanila ang desisyon ng CA na nag-aabswelto kay Smith sa kasong rape, at nirerespeto nila ito.
Iginiit din ng US Embassy na sa buong panahon na nakabinbin ang kaso laban kay Smith ay nanatili ito sa kanilang kustodiya bilang pagtugon sa isinasaad ng Visiting Forces Agreement (VFA).
Sinabi pa ng Embahada na naging mahirap at emosyonal ang proseso ng kaso para sa lahat ng sangkot dito lalo na sa kani-kanilang mga pamilya at mahal sa buhay.
Umaasa umano ang US Embassy na matapos ang naging desisyon ng CA, ang lahat ay makaka-move on na sa kani-kanilang mga buhay.
Magugunitang kamakalawa lamang nang ipalabas ng CA ang naging desisyon nito na nag-aabswelto kay Smith at nag-aatas nang agarang pagpapalaya dito.
Sa naging desisyon ng CA, sinabi nito na walang naipakitang ebidensyang magpapatunay na gumamit ng pwersa at pananakot si Smith kay Nicole nang sinasabing naganap ang panggagahasa.
Naniniwala ang CA na kapwa nadala ng kani-kanilang mga damdamin sina Smith at Nicole nang gabing maganap ang pagtatalik at walang nangyaring rape.
Samantala, hindi umano dapat insultuhin ang mga mahistrado na nagbaba ng desisyon sa acquittal ni Smith dahil nagpasiya umano ito alinsunod sa judicial process.
Reaksiyon ito ni Justice Secretary Raul Gonzalez kaugnay sa mga batikos na tinatanggap ng mga mahistrado hinggil sa pagpabor sa sundalong Kano.
Idinepensa din ng kalihim ang pamahalaan sa giit na walang pagkukulang ang gobyerno dahil tinutukan at inalalayan naman ang biktimang si Suzette Nicolas sa simula pa lang.
Hinamon naman ng Malacañang ang mga kritiko partikular ang mga militanteng grupo na patunayan nitong nakialam ang Palasyo kaugnay sa naging desisyon ng CA na nag-abswelto kay Smith sa Subic rape.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Lorelei Fajardo, iginagalang ng Malacañang ang pagiging independent ng bawat sangay ng gobyerno kaya malabong makikialam ito sa kasong hawak ng judiciary.
Samantala, hindi pa umano tapos ang masak lap na karanasan ni Daniel Smith dahil haharap pa ito sa court martial proceedings sa kanilang military base sa Okinawa, Japan.
Ayon kay DILG Undersecretary Marius Corpus, mandato na umano ng kanilang kagawaran na harapin ni Smith ang court proceedings tulad ng tatlo pa kasamahan nitong sundalo na akusado rin sa kaso ni Nicole at ito ay nakatakdang gawin sa southern Japan.
Ang court-martial ay isang military court na magdedetermina sa kasalanan ng bawat miyembro na napatunayang guilty o nadismis dahil sa kaso base sa ebidensya at kasong iprinisinta.(Rudy Andal, Ricky Tulipat, Ellen Fernando, Doris Franche)
- Latest
- Trending