Mga 'taong-gala' bibigyan ng tirahan, trabaho ng MMDA
MANILA, Philippines - Ire-rescue at bibigyan na ng trabaho ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang lahat ng mga “taong-gala” o street dwellers pati na ang mga pamilya ng mga ito na pagala-gala at walang matinong tirahan sa Kalakhang Maynila.
Sa katunayan, ayon kay MMDA Chairman Bayani Fernando, may walong “taong-gala” na kasama ng kanilang mga pamilya ang ini-rescue ng kaniyang tanggapan saka dinala sa Jose Fabella Center sa Mandaluyong.
Ayon pa kay Fernando, hindi lamang tirahan, pagkain at malinis na damit ang ibibigay ng MMDA sa mga mare-rescue nilang mga “taong-gala” kundi bibigyan din ang mga ito ng trabaho sa ahensiya.
Sinabi pa ni Fernando na ang lahat ng mga “taong-gala” na kanilang na-rescue ay binigyan niya ng trabaho bilang kaminero at laborers ng MMDA.
Kabilang naman sa mga “taong-gala” na na-rescue ni Fernando at nabigyan na ng kaukulang trabaho sa MMDA si Jerome Vacongay, misis nito kasama ang pito nilang anak.
Si Vacongay ay isa sa walong “taong-gala” kasama ng kanilang pamilya na sinagip ng MMDA sa kahabaan ng R-10 road sa Tondo, Maynila. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending
















