Sexual abuse sa NPA talamak daw
Maraming babae at lalaki ang nagagahasa at naabuso umano sa kilusan ng New People’s Army.
Ito ang ibinulgar kahapon ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines base sa intelligence report at maging sa testimonya ng mga nagsisukong rebelde.
“Kinukumpirma namin na nangyayari sa hanay ng kilusang komunista ang sexual opportunism,” pahayag ng ilang intelligence officers ng AFP na ipinarating kay AFP-Civil Relations Service Chief Brig. Gen. Gaudencio Pangilinan.
Sinabi ni Pangilinan na karamihan sa mga dumaranas ng pang-aabusong sekswal ay mga bagong recruit ng mga rebeldeng komunista. “Alam mo naman sa bundok malamig ang gabi, nangyayari talaga ito, confirmed itong report na ito at may mga nagbigay na ng testimonya ukol dito sa ating mga rebel surrenderees,” ani Pangilinan.
Base sa testimonya ng ilang mga rebel surrenderees, sinabi ng mga ito na maging ang mga lalaki ay hindi rin pinatatawad ng mga bading na pinuno ng mga rebelde kaya hinahalay rin ang mga ito.
Samantala, ilan naman umano sa mga hayok sa laman na mga pinuno ng NPA ay dala-dalawa pa o higit pa sa isang babae lalo na ang mga bagong recruits na estudyante ang ginagawang kasiping sa gabi. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending