Pampanga, Bataan sinusuyod ng PASG
Sinusuyod ngayon ng mga tauhan ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) ang Pampanga at Bataan matapos na masabat ang may 130 boxes ng smuggled na imported na sigarilyo sa Subic Bay Free Port Zone kamakailan na nagkakahalaga ng P5.4 milyon.
Ayon kay PASG chief Undersecretary Antonio Villar Jr., naniniwala siyang bahagi lamang ng mas malaking kontrabando ang nasamsam nilang kontrabando ng sigarilyo at posibleng nakatago lamang ito sa mga bodega sa Bataan at Pampanga.
Pinaiimbestigahan din ni Villar ang isang Mrs. Mei Jocson ng 2536 Molave St., Nerabel subdivision, Mabalacat, Pampanga dahil dito naka-consign ang 130 boxes ng smuggled na sigarilyo.
Ang smuggled na sigarilyong nasabat ng PASG ay 46 boxes ng black devil, 26 boxes ng Kent Blue future, 30 boxes ng Kent silver Neo at 30 boxes ng Mild Seven Lights na lulan ng 3 passenger vans ng masabat ng PASG at PNP sa checkpoint sa Morong, Bataan. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending
















