Pautang sa OFWs pinatigil ng OWWA
Ipinatitigil na ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang umiiral na pautang o pre-departure loans na ibinibigay nito para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) bunga ng pagkalugi ng tinatayang P70-milyon na hindi nabababayaran.
Ipinaliwanag ni Labor Secretary Marianito Roque na humantong sa desisyong suspendihin ang nasabing “OWWA assistance” dahil sa hindi pa nahahabol na koleksiyon o hindi binabayarang utang ng OFWs.
“I decided to suspend it kasi nga puro utang walang nagbabayad, so nalulugi kami,” ayon kay Roque.
Aniya, may nakalaan sanang P100-milyon para sa nasabing programa subalit nang lumobo sa P70-milyon ang hindi naibabalik sa ahensiya ay minabuting huwag munang ituloy ang pagpapalabas ng pera at sikaping habulin ang matagal nang hindi nagsisibayad na OFWs.
Nailabas na umano ng ahensiya ang P70-milyon ngunit nasa 30 porsyento pa lang sa mga umutang ang nabayaran kaya umaapela sila sa mga co-makers na bayaran ang mga inutang.
Ikinakatwiran pa umano ng mga nangutang na hindi sila magbabayad dahil may binabayaran naman silang $25 na membership fee tuwing magre-renew ng kontrata kaya pera din umano nila ang ipinapautang.
“Ang sabi nila pera din naman daw ‘yan ng OFWs, kinokolekta sa kanila yung $25 kaya bakit pa sila magbabayad,” sinabi ni Roque.
Tinatayang 2,000 hang gang 3,000 na OFWs ang napapaalis araw-araw at mula sa mga ito ay nakakakulekta ng $75,000 o katumbas na P3 million kada araw. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending
















