Graft vs Palawan Governor
Kinasuhan ng graft sa Sandiganbayan si Palawan Gov. Joel T. Reyes dahil sa umano’y paglabag sa small-scale mining law.
Bukod kay Reyes, kinasuhan din ng katiwalian si Andronico J. Baguyo, head ng technical secretariat ng Provincial Mining Regulatory Board.
Ayon sa charge sheet, pinayagan ng dalawang naturang opisyal ang Platinum Group Metals Corp., isang small-scale mining firm, na magsagawa ng extraction ng mahigit sa 282,729.35 metric tons ng mineral ores na may halagang mahigit sa P565 milyon sa loob ng dalawang taon sa kabila na ang above annual production limit lamang ay 50,000 MTs sa ilalim ng small-scale mining law.
Gayunman, nilinis naman ng Ombudsman ang pangalan nina Provincial Administrator Romeo N. Seratubias, Municipal Mayor Lucena D. Demaala at DENR regional director Guillermo S. Estabillo mula sa kasong graft dahil sa kakulangan ng merito para idamay ang mga ito sa naturang kaso.
Ang nagsampa ng kaso laban sa mga nabanggit ay si Fernando U. Santos ng environmental group Katipunan Para sa Kalikasan.
Una rito, sinabi ni Deputy Ombudsman Orlando C. Casimiro na napatunayan ng kanilang mga imbestigador na may probable cause para sampahan ng kasong graft si Reyes at Baguyo.
Kapag napatunayang nagkasala sa naturang batas, ang dalawang opisyal ay maaaring mabilanggo ng 10 taon at matanggal sa serbisyo sa gobyerno. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending





















