^

Bansa

3 Sayyaf todas sa Payatas!

- Joy Cantos -

Tatlong hinihinalang miyembro ng mga band­i­dong Abu Sayyaf na sang­kot umano sa pambo­bomba sa Batasan Pam­bansa ang napatay sa isang raid ng pulisya sa safehouse ng grupo sa Payatas, Quezon City ka­hapon.

Ayon kay Army spokesman Lt. Col. Ernesto Torres, dakong 4:20 ng hapon ng lusubin ng pinagsanib na elemento ng Army’s Intelligence Security Group (ISG), elite PNP-Special Action Forces at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kuta ng mga bandido sa Sitio Violago, Payatas.

“The raid is related. They are suspects. The initial report is that there are indications that the raid had something to do with it,” ani Torres nang matanong kung may kinalaman ang raid sa pagsabog sa Ka­mara na kumitil ng buhay ni Basilan Rep. Wahab Akbar.    

Kinilala naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Geary Barias ang mga napatay na sina Abu Jandal, Redwan Ida­ham at ang asawa nitong si Saing.  

Isang pulis na si PO3 Roland Baucas ang nasu­gatan sa barilan na tuma­gal ng limang minuto. Tatlo pa sa mga suspek ang naaresto na pawang mga sugatan din na kinilalang sina Khaidar Awnal, Ikram Indama at Adham Kusain.

Nasamsam mula sa bangkay ng mga napas­lang na bandido ang da­lawang kalibre .45 pistol. Nakare­kober naman mula sa bahay na sina­lakay ang isang deed of sale ng mo­torsiklo, car plate na may #8, at ID, t-shirt at isang itim na jacket na pawang may logo ng House of Representatives.

Samantala, sinabi ni Barias na nag-match sa narekober na deed of sale ang chassis number at bar code mula sa motorsiklong pinagkabitan ng sumam­bulat na bomba sa blast site habang ang itim na jacket ay hawig sa jacket na suot ng dalawang lalaki na sakay ng magkahiwalay na motorsiklo na mabilis na tumakbo matapos ang pagsabog sa Kamara.  

Sinabi naman ni NCRPO Spokesman Sr. Supt. Rhodel Sermonia na ang raid ay isinagawa base sa warrant of arrest na ipinalabas ng korte kaug­nay ng pagkakasangkot sa kidnap-for-ransom ng mga suspek sa Basilan.  

Ang lugar kung saan nasakote ang mga suspect ay may ilang kilometro lamang mula sa Batasan Complex.

Nabatid sa mga opisyal na nakatanggap sila ng intelligence report na sa nasabing lugar nagsisipag­tago ang diumano’y grupo ng Abu Sayyaf na hinihi­nalang sangkot sa pambo­bomba sa Batasan Pam­bansa. Ang Abu Sayyaf ay sinasabing may sleeper cell sa Metro Manila na target ng operasyon ng militar at ng pulisya.

Reward, P7-M na

Umaabot na sa P7 milyon ang reward para sa sinu­mang makapag­tuturo sa mga respon­sable sa pam­bobomba sa Batasan Pambansa no­ong Martes ng gabi.

Maliban sa P5 milyong pabuya na ipinalabas ni Pangulong Arroyo ay nagbigay din si Quezon City Rep. Mary Ann Su­sano ng P2 milyon mula naman sa sarili nitong bulsa para sa mabilis na pagtukoy sa mga salarin.

Samantala, bumuo na ng komite si House Speaker Jose de Venecia Jr., para i-ayos at itaas ang antas ng security measures sa Kamara.

Ang Tiangge o pamili­han na dating ginagawa kapag sumasapit ang kapaskuhan ay ipinasara na. Hindi na rin basta-basta makakalapit sa South Lounge na lugar na kina­kainan at pinapahi­ngahan ng mga kon­gresista. (May ulat ni Butch Quejada)

ABU JANDAL

ABU SAYYAF

BATASAN PAM

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with