P5-M reward alok ni GMA
Naglaan ng P5 milyong reward si Pangulong Glo ria Macapagal-Arroyo sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon para agad na matukoy at maaresto ang nasa likod ng pambobomba sa Batasan kamakalawa ng gabi na ikinasawi ng 3 katao kabilang si Basilan Rep. Wahab Akbar.
Sinabi ni Presidential Spokesman at Press Secretary Ignacio Bunye, bukod sa paglalaan ng pondo ay bumuo din si Pangulong Arroyo ng task force upang mag-asikaso naman sa political violence partikular ang mga public officials na naging sentro ng karahasan.
Personal na nakidalamhati naman si Mrs. Arroyo sa mga nasawi nang magtungo ito sa FEU hospital kung saan dinala si Akbar saka ito nagtungo sa St. Lukes Medical Center kung saan ay naroon naman ang bangkay ng staff ni Rep. Teves.
Ipinaabot din ng Pangulo ang kanyang pakikiramay sa naiwan ni Rep. Akbar gayundin sa mga nasawing sina Marcial Tando na driver ni Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan at Maan Gale Bustalino na staff naman ni Negros Occidental Rep. Pryde Henry Teves.
Ayon naman kay National Security Adviser Norberto Gonzales, dalawang linggo na ang nakakaraan nang makatanggap sila ng intelligence report hinggil sa banta sa buhay ni Rep. Akbar.
Biglang naghigpit naman sa seguridad sa Malacañang at Senado matapos ang naganap na pambobomba sa Kamara.
Hindi pinapayagang makapasok sa compound ng Palasyo ang mga taxi gayundin ang mga pampasaherong jeep bilang bahagi ng hinigpitang security measures sa Palasyo.
Sa Senado, ipinagbawal na rin ang pagpasok ng mga pampasaherong jeepney at taxi saka nagsagawa na ngayon ng inspeksyon sa lahat ng papasok sa naturang gusali.
Samantala, mariing kinondena ng Lady Legislators of the 14th Congress ang nangyaring pagsabog sa Kongreso. Isa umanong pagyurak sa demokrasya ng bansa ang nasabing insidente at isang masusing imbestigasyon ang dapat na gawin ng mga otoridad upang maparusahan ang nasa likod nito. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending