Zero tariff sa Philippine products sa Japan itinulak

MANILA, Philippines — Isinusulong nina Senate committees on Foreign Relations at Agriculture Erwin Tulfo at Kiko Pangilinan ang pagtanggal ng taripa o zero tariff sa Philippine-made heated tobacco products (HTPs), prutas at iba pang produktong agrikultural na iniluluwas sa Japan.
Sa pagbisita ng delegasyon ng Senado sa Japan para sa ika-70 anibersaryo ng pagkakaibigan ng Pilipinas at Japan, hiniling ni Tulfo sa pamahalaang Hapon na pag-aralan ang pagbubukas ng kanilang merkado sa mga naturang produkto.
Ayon kay Tulfo, makatutulong ang zero tariff upang magkaroon ng patas na kompetisyon ang mga produktong Pilipino at mapalakas ang sektor ng pagmamanupaktura, agrikultura at pag-e-export ng bansa.
“Sa paglitaw ng mga bagong produkto mula sa industriya ng tabako sa Pilipinas at sa patuloy na pagtaas ng demand para sa mga ito sa Japan, magalang nating hinihiling sa pamahalaan ng Japan na pag-aralan ang aming panukalang alisin ang mga taripa sa mga produktong heated tobacco na gawa sa Pilipinas,” pahayag ni Tulfo.
Sinabi rin niya na makalilikha ito ng mas maraming trabaho at makapagpapasigla sa ekonomiya.
Ang panukala ay bahagi ng layuning higit pang mapatatag ang Philippines-Japan Economic Partnership Agreement (PJEPA) at palawakin ang kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa.
Kabilang sa delegasyon ng Senado sina Senate President Sherwin Gatchalian, Majority Leader Migz Zubiri, at iba pang senador na nagsasagawa ng parliamentary visit sa Japan.
- Latest


















