Paalam ‘di pakakawalan Asiad gold
MANILA, Philippines — Ilalabas na ni Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam ang buong lakas nito upang masiguro ang gintong medalya sa 2026 Asian Games boxing competitions sa Nishio Gymnasium sa Nagoya, Japan.
Mapapalaban ng husto si Paalam dahil sasagupain nito sa men’s 55kg division gold-medal match si hometown bet Rui Yamaguchi ng Japan.
Lalaruin ang finals sa alas-12:45 ng tanghali.
Kailangan ni Paalam na maitala ang isang impresibong knockout win upang walang maging aberya sa pagkopo nito ng ginto.
Kaya naman ikinasa na ng coaching staff ang magiging game plan ni Paalam upang pigilan ang anumang pagtatangka ng Japanese fighter.
Target ni Paalam na tuldukan ang 16 na taong paghihintay ng boxing team sa gintong medalya.
Matatandaang noong 2010 edisyon pa sa Guangzhou, China huling nakasungkit ng ginto ang boxing squad mula kay Rey Saludar.
Nakapasok si Paalam sa finals nang gulantangin nito si two-time world champion Makhmud Sabyrkhan ng Kazakhstan via split decision sa kanilang semis match.
“The semis fight was not easy. There were moments inside the ring earlier when things became more challenging than I expected, and I had to fight through pressure and circumstances that were beyond my control,” ani Paalam sa kanyang post sa social media.
Si Paalam na lamang ang bukod-tanging Pinoy boxer na natira sa torneo matapos masibak ang iba pang miyembro ng national team.
- Latest


















