Jeus Yape isinalba Team Philippines

Sumipa ng ginto sa Asian Games
MANILA, Philippines — Isang gold, tatlong silver at dalawang bronze medals ang nahakot ng Team Philippines dalawang araw bago ang opisyal na pagtatapos ng 20th Asian Games kahapon sa Aichi-Nagoya, Japan.
Ang gintong medalya ay nagmula sa panalo ni taekwondo jin Jeus Gabriel Derick Yape sa mixed individual virtual taekwondo finals laban kay Ngoc Tuyet Sang Chau ng Vietnam.
Nauna nang kinuha ng University of Santo Tomas standout ang tanso sa men’s individual poomsae noong Huwebes.
Ang 22-anyos na si Yape ang ikatlong Pinoy athlete na sumikwat ng gold matapos sina gymnast Carlos Edriel Yulo (men’s floor exercise at vault) at EJ Obiena (pole vault).
Bigong maduplika nina taekwondo jins Kurt Bryan Barbosa at Tachiana Mangin ang panalo ni Yape nang matalo sa kanilang mga final matches sa men’s -58kg at women’s -49kg category, ayon sa pagkakasunod.
Sumuko ang 2020 Tokyo Olympian na si Barbosa kay Tamirlan Tleules ng Kazakhstan, 0-2, at olats si Mangin kay Chinese Jingyue Ma, 0-2, sa kanyang Asiad debut para sa kanilang tig-isang silver.
Sa boxing, nakuntento si Carlo Paalam sa silver matapos ang split decision kay Japanese Rui Yamaguchi sa finals ng men’s 55 kilogram division.
Sa women’s beach volleyball, wagi sina Alas Pilipinas pair Khy Progella at Sofiah Pagara kina Cao Shuting at Dong Jie ng China, 13-21, 23-21, 15-13, para sa bronze na kauna-unahang medalya ng bansa sa nasabing event.
Sa jiu-jitsu, dinomina ni Pinay grappler Jenna Kaila Napolis si Tsagaanbileg Altangerel ng Mongolian, 2-0, para kunin ang bronze sa women’s -52kg.
Sa kasalukuyan ay may apat na golds, walong silvers at 16 bronzes ang Pilipinas para sa No. 16 spot sa medal tally na pinamununuan ng China sa nakolektang 162 golds, 79 silvers at 71 bronzes kasunod ang host Japan (69-83-85), Korea (33-39-62), Uzbekistan (19-22-22) at India (15-25-35).
Napantayan ng mga Pinoy athletes ang nakuhang apat na ginto sa 2018 Asiad sa Jakarta-Palembang, Indonesia at sa 2022 edition sa Hangzhou, China.
Sa women’s softball, nirapido ng RP Blu Girls ang Hong Kong, 9-3, para sagupain ang Chinese Taipei sa bronze medal game ngayong alas-9 ng umaga.
- Latest


















