NXLED puntirya ika-2 PVL Finals

MANILA, Philippines – Isang panalo lang ang kailangan ng Nxled para umabante sa kanilang ikalawang championship appearance.
Bitbit ang ‘twice-to-beat’ advantage sa semifinals, lalabanan ng No. 1 Chameleons ang No. 4 Farm Fresh Foxies ngayong alas-3:30 ng hapon, habang sasagupain ng No. 2 Creamline Cool Smashers ang sister team at No. 3 Choco Mucho Flying Titans sa alas-6 ng gabi sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series sa Philsports Arena sa Pasig City.
Tinalo ng Nxled ang Farm Fresh, 25-19, 25-17, 23-25, 20-25, 15-12, sa una nilang pagkikita noong Oktubre 17 patungo sa pagwalis sa walong laro sa elimination.
“Hindi naman namin iniisip na may twice-to-beat advantage kami against Farm Fresh,”ani Chameleons star hitter Myla Pablo sa Foxies. ‘Ibibigay talaga namin ’yung best namin against them.”
Nagtapos naman ang tatlong sunod na ratsada ng Farm Fresh matapos matalo sa Creamline, 19-25, 18-25, 18-25, sa agawan sa No. 2 berth at twice-to-beat’ bonus sa semis.
Bukod kay Pablo, aasahan din ng Chameleons sina Fil-Ams Brooke Van Sickle at MJ Phillips kasama sina EJ Cariño, Lyann De Guzman, Jackie Acuña, Gel Cayuna at ang nagbabalik na si Chiara Permentilla na papalit kay injured Jonah Sabate-Escamillan (knee injury).
Itatapat ng Foxies sina Trisha Tubu, Royse Tubino, Ara Galang, Ces Molina, Mylene Paat-Rezanova at Fil-Am setter Alohi Robins-Hardy.
Samantala, hangad din ng Creamline ang finals berth sa pagsagupa sa Choco Mucho na tumalo sa kanila sa elimination, 25-23, 13-25, 23-25, 25-22, 13-15, noong Nobyembre 12.
Ito ang unang pagkakataon na muling magtutuos sa playoffs ang Cool Smashers at Flying Titans sapul nang walisin ng Creamline ang Choco Mucho para makuha ang korona ng 2024-25 All-Filipino Conference.
“Kapag Choco Mucho naman ’yung kalaban, laging maganda ’yung laro,” ani Jema Galanza ng Creamline sa pagsagupa nila sa Flying Titans.
- Latest
















