Atong Ang wala na sa Pinas?

Bineberipika ng PNP
MANILA, Philippines — Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na bineberipika na nila ang mga ulat na nakalabas na umano ng bansa ang puganteng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, na nahaharap sa mga kaso ng missing sabungeros.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., wala pang kumpirmadong impormasyon na nakatakas palabas ng bansa si Ang at ang huling validated information ng pulisya ay nagpapakitang nasa bansa pa rin ang negosyante, habang patuloy na sinusuri ang mga ulat tungkol sa umano’y pag-alis nito. Ani Nartatez, sa kasalukuyan ay nananatiling pinakamalakas na posibilidad na nasa Pilipinas pa rin si Ang.
Kasabay nito, ipinagpapatuloy ng PNP at iba pang law enforcement agencies ang manhunt operation upang matunton at maaresto ang puganteng negosyante.
Si Ang ay nagtago matapos maglabas ang korte ng warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng mga reklamong isinampa sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Samantala, sinabi ng Bureau of Immigration (BI) na wala itong rekord na nagpapakitang kamakailan ay umalis ng bansa si Ang.
- Latest























