51 inaresto sa SONA rally

MANILA, Philippines — Aabot sa 51 raliyista ang inaresto ng Philippine National Police (PNP) kasabay ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., karamihan sa mga naaresto ay mga nag-vandal na nahuling naninira at nagsusulat sa mga pampublikong pasilidad sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City gayundin ang mga lumabag sa umiiral na lokal na ordinansa, kabilang ang pagbabawal sa pagtatakip ng mukha sa panahon ng mga pagtitipon.
“They were accosted because of violations of ordinances and special laws, particularly RA 9003, PD 880 and local ordinances, lalo na ‘yung pagtatakip ng mukha,” ani Nartatez.
Bago ito, alas-7 ng umaga nang nagsimulang dumating ang mga raliyista na miyembro ng BAYAN Southern Tagalog at sinakop ang dalawang linya ng Commonwealth Ave. Sinunog ng mga protester ang effigies nina Pangulong Marcos, Vice President Sara Duterte, at US President Donald Trump.
Gayunman, nagkaroon ng tensyon nang lumampas ang mga nagpoprotesta sa itinakdang lugar ng kanilang programa at sinimulang okupahan ang ikatlong lane ng Commonwealth Ave., dahilan upang bumuo ng police barricade ang Quezon City Police District (QCPD) upang pigilan ang kanilang pag-usad.
- Latest
























