Langis ang taas, Tao ang bagsak
HABANG araw-araw na naghihigpit ng sinturon ang mga Pinoy, isa na namang balita ang posibleng magpabigat sa kanilang pasan. Nais ng Department of Energy (DOE) na baguhin ang Oil Deregulation Law ng 1998 para mas handa ang bansa kapag muling sumiklab ang krisis sa langis sa buong mundo.
Pero huwag umasa na agad bababa ang presyo ng gasolina at diesel.
Ayon sa DOE, hindi kasama sa kanilang panukala ang direktang pagkontrol ng gobyerno sa presyo ng produktong petrolyo. Sa halip, gusto nilang maglagay ng mga pananggalang o “safeguards” para hindi agad maubusan ng suplay kapag may pandaigdigang krisis. Isa sa mga tinitingnang hakbang ang pagtatayo ng strategic oil reserve o reserbang langis na maaaring gamitin sa panahon ng emergency.
Para kay Energy Secretary Sharon Garin, nananatili ang prinsipyo ng deregulation hayaan pa ring magpresyuhan ang mga kumpanya sa ilalim ng kompetisyon. Ang paniniwala, kapag patas ang labanan sa merkado, kusa ring bababa ang presyo. Ngunit sa mata ng maraming ordinaryong Pinoy, tila kabaligtaran ang nararanasan. Kapag may gulo sa ibang bansa, mabilis ang taas-presyo. Pero kapag bumababa ang halaga ng langis sa pandaigdigang merkado, tila napakabagal nitong maramdaman sa mga gasolinahan.
Nilinaw rin ni Garin na nasa Kongreso pa rin ang huling pasya kung isasama sa batas ang mas mahigpit na regulasyon sa industriya o ang pagbubunyag ng tunay na pagkakahati-hati ng presyo ng langis.
Samantala, isa na namang dagdag-pasan ang nakaamba ngayong linggo. Tataas ang presyo ng diesel ng P1.57 hanggang P3.57 kada litro, habang ang kerosene ay madaragdagan ng P1.70 hanggang P3.70 kada litro. Ang gasolina naman ay maaaring bahagyang tumaas ng P0.25 o bumaba ng hanggang P1.75 kada litro.
May pag-asa naman, ayon sa DOE. Unti-unti umanong humuhupa ang tensyon sa pandaigdigang merkado ng langis. Bumaba na ang presyo ng Dubai crude at Brent crude, ngunit hindi pa ito agad nararamdaman sa Pilipinas dahil ang lokal na presyo ay nakabatay sa Mean of Platts Singapore (MOPS), na nananatiling mataas.
Ayon kay Energy Undersecretary Alessandro Sales, maaaring umabot pa ng isa hanggang tatlong buwan bago tuluyang maramdaman ng mga motorista ang inaasahang pagbaba ng presyo.
Sa huli, iisa lang ang tanong ng karaniwang Pinoy, hanggang kailan ba kailangang magtiis? Habang patuloy ang usapin sa batas at galaw ng pandaigdigang merkado, ang bawat dagdag na piso sa presyo ng krudo ay direktang kinakaltas sa pagkain, pamasahe at pang-araw-araw na buhay ng mga pamilyang sapat lang ang kinikita.
- Latest


















