Imago (38)
BAGO pa man sumayad ang nanginginig na mga daliri ni Maya sa jacket ng nakatalikod na lalaki, tuluyan nang sumuko ang kanyang katawan. Ang nakakasulasok na amoy ng kemikal ay tuluyang pumatay sa natitira niyang lakas. Bumagsak siya sa sahig, at ang kadiliman ng templo ay muling lumamon sa kanyang kamalayan.
Ngunit ang dilim ay hindi nanatiling walang laman. Unt-unting nagbago ang paligid sa kanyang isip.
Wala na siya sa Japan. Bigla siyang napadpad sa pamilyar na silid ng kanilang bahay sa Maynila. Rinig niya ang ingay ng mga sasakyan sa labas at ang banayad na simoy ng hangin. Sa kanyang harap, nakatayo ang isang babaing may eksaktong mukha, buhok, at tindig niya.
Ang kanyang kakambal.
Malinis ito, walang sugat, at nakatitig sa kanya nang may malalim na habag. Lumapit ito at hinawakan ang nanlalamig na mga kamay ni Maya. Ang init ng kanyang balat ay tila totoong-totoo.
“Maya, tama na,” bulong ng kanyang kakambal, ang boses ay tila isang oyayi na nag-aanyaya ng kapayapaan. “Umuwi ka na. Iwanan mo na ang lugar na ito. Hindi mo na mababago ang nakasulat.”
Umiling si Maya sa kanyang panaginip, ngunit labis ang pagod ng kaluluwa niya.
“Hindi mo kayang talunin ang dilim, Maya. Mamamatay ka lang dito tulad ni Nelson,” patuloy ng kakambal, habang dahan-dahang hinahaplos ang kanyang buhok. “Sumuko ka na. Bumalik ka na sa buhay na tahimik. Tumakbo ka na habang may oras pa.”
Ang mensahe ay isang napakatamis na tukso. Isang pagkakataon upang talikuran ang lahat ng takot. Habang niyayakap siya ng kaniyang kakambal, unt-unting naramdaman ni Maya ang kagustuhang matulog na lamang at huwag nang gumising muli. (Itutuloy)
- Latest



















