^

Punto Mo

EDITORYAL — Dapat humarap si Sara sa hearing

Pang-masa

KAHAPON ang ikatlong araw ng pagdinig ng impeachment case ni Vice President Sara Duterte pero katulad ng dati, hindi na naman siya dumalo. Nagpakita lamang siya noong ikalawang araw para makipag-meeting sa kanyang mga abogado at umalis na makaraang sabihin na: “In this bloodbath and bludgeoning, I will be bloodied but unbowed.”

Ayon sa kanyang mga abogado, hindi naman kinakailangang dumalo angVice President dahil kinakatawan siya ng kanyang mga abogado. Karapatan umano niya ito. Pero may mas malalim na ­usapin dito: kapag ang isang opisyal ay pangalawang pinakamataas sa bansa, hindi lang legal defense ang inaasahan ng taumbayan. Inaasahan din ang malinaw na pagpapakita ng respeto sa proseso ng pananagutan. Isa pa, matagal nang sinasabi ng kampo ni Sara na sasagutin nila ang mga paratang sa tamang panahon at tamang forum.

Ngayon, narito na ang forum. Ang Senado, bilang impeachment court, ang lugar para ilatag ang ­ebidensiya, pakinggan ang depensa, at timbangin kung may pananagutan ba o wala. Hindi ito dapat palitan ng press statement, political banat, o pagpapalitan ng salita sa labas ng hukuman.

Mabigat ang mga paratang: umano’y maling paggamit ng confidential funds, unexplained wealth, bri­bery sa DepEd, at grave threats laban sa Presidente at iba pang opisyal. Mabigat din ang posibleng parusa: pagtanggal sa puwesto at permanenteng diskuwalipikasyon sa public office. Kaya dapat mabigat din ang pagharap sa proseso.

Tama ang defense lawyer nang sabihing bahagi ng hustisya ang fairness. Hindi dapat ma-convict si Sara dahil lamang sa ingay ng publiko o galit ng kalaban sa politika. Kailangang patunayan ng prosecution ang kaso sa malinaw na ebidensiya, hindi sa drama o sound bite.

Pero tama rin ang paalala ng prosecution: pera ng bayan, tiwala ng bayan, at karapatan ng mamamayan na maningil ng pananagutan ang pinag-uusapan dito. Hindi sapat na malunod ang trial sa Latin terms, procedural objections, at technicalities habang nawawala sa usapan ang simpleng tanong: nasaan ang katotohanan?

Ang impeachment trial ay hindi lamang laban ng abogado. Hindi rin ito teleserye ng Marcos laban kay Sara. Kaya dapat maging seryoso ang prosecution, malinaw ang defense, at patas ang mga senador bilang huwes.

May karapatan si Sara sa due process. Pero ang taumbayan ay may karapatan din sa malinaw na sagot. Kung ito ang proper forum, dapat niya itong harapin at maipagtanggol ang sarili sa mga mabibigat na akusasyon.

SARA DUTERTE

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with