Jazz giba sa Nuggets
SALT LAKE CITY — Humakot si Nikola Jokic ng triple-double na 36 points, 23 rebounds at 11 assists sa 132-121 pagpapatumba ng Denver Nuggets sa Utah Jazz.
Kumolekta rin si Russell Westbrook ng triple-double sa kanyang tinapos na 16 points, 10 rebounds at 10 assists para sa Nuggets (18-13) habang may 20 points at 10 assists si Jamal Murray.
Sa kabuuan ay nagtala ang tropa ni Jokic ng 38 assists.
Binanderahan ni Fil-Am guard Jordan Clarkson ang ikatlong sunod na kamalasan ng Jazz (7-24) sa kanyang 24 points habang may 22 markers si Collin Sexton.
Tinangay ng Utah ang 66-64 abante sa halftime bago kumamada ang Denver ng 34 points sa kabuuan ng third period kumpara sa 23 markers ng home team para agawin ang 98-89 bentahe.
Huling nakadikit ang Jazz sa 107-109 mula sa three-point play ni rookie Kyle Filipowski sa 7:28 minuto ng fourth quarter kasunod ang ratsada ng Nuggets.
Sa Washington, nagkuwintas si Josh Hart ng 23 points, 15 rebounds at 10 assists para sa kanyang ikatlong triple-double sa season para tulungan ang New York Knicks (23-10) sa 126-106 pagrapido sa Wizards (5-25).
Sa Charlotte, tumipa si Coby White ng 23 points, 10 rebounds at 9 assists at nagtala si Torrey Craig ng 18 markers tampok ang limang 3-pointers sa 115-108 overtime win ng Chicago Bulls (15-18) sa Hornets (7-25).
Sa New Orleans, bumanat si Norman Powell ng 35 points habang kumonekta si James Harden ng dalawang free throws sa huling 17.9 segundo sa 116-113 pag-eskapo ng Los Angeles Clippers (19-13) sa Pelicans (5-28).
- Latest