Petro Gazz muling aasa kay Van Sickle
MANILA, Philippines — Bukod kay Fil-Canadian Savi Davison ng PLDT Home Fibr ay patuloy rin ang pagpapasikat ni Fil-American Brooke Van Sickle ng Petro Gazz sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Bago ang holiday break ng liga ay humampas si Van Sickle ng 131 total points mula sa kanyang average na 21.8 markers per game sa 5-1 record ng Gazz Angels.
“This is the best time I’m ever having. This is where I want to be. This is where I dream to play and I’m having a blast,” wika ni Van Sickle na nakamit ang PVL MVP trophy sa kanyang debut conference sa nakaraang All-Filipino Conference.
Nasa itaas ni Van Sickle si league-leading scorer Sisi Rondina ng Choco Mucho (3-3) na pumalo ng 134 points.
Nasa Top 5 list din ng mga top scorers sa torneo sina Davison (119 points) ng High Speed Hitters (3-2), Trisha Tubu (109 points) ng Farm Fresh Foxies (2-3) at Ivy Lacsina (95 points) ng Akari Chargers (3-3).
Pang-lima ang 26-anyos na open spiker sa mga top spikers sa kanyang 37.07% accuracy rate sa ilalim nina Davison (41.20%), Tubu (40.40%), Erika Santos (38.64%) ng PLDT at Lacsina (38.63%).
Pangatlo ang 5-foot-9 na si Van Sickle sa blocking sa kanyang 0.70 kill blocks per set sa likod nina PLDT middle blockers Majoy Baron (0.89) at Dell Palomata (0.78).
Ang impresibong all-around performance ni Van Sickle ang nagbigay sa Petro Gazz ng magandang record.
Muling sasalang si Van Sickle at Gazz Angels sa Enero 21 sa pakikipagkita sa Chery Tiggo Crossovers (4-2) sa Philsports Arena sa Pasig City.
Magbabalik ang mga aksyon sa Enero 18 tampok ang tatlong bigating laro sa parehong venue.
- Latest