Batang Pier dapat kondisyon — Tan
MANILA, Philippines — Bagama’t nasa isang three-week break ay dapat pa ring maging kondisyon ang NorthPort sa pagbabalik ng Season 49 PBA Commissioner’s Cup sa Enero 5.
Ito ang kabilin-bilinan ni coach Bonnie Tan sa kanyang mga Batang Pier na nagdadala ng 6-1 record para solohin ang liderato kasunod ang guest team Hong Kong Eastern (6-2) at Converge FiberXers (6-2).
“We spoke about that side regarding the long break. And I told the team they’re all professionals naman,” wika ni Tan sa kanyang tropa.
“So dapat ‘yung conditioning nila nandoon pa rin, ‘yung timing nandoon pa rin to continue the good run sa mga nakuha naming panalo.”
Huling naglaro ang NorthPort noong Disyembre 20 kung saan nila pinatumba ang Eastern, 120-113.
Magbabalik sila sa hardcourt sa Enero 8 katapat ang Barangay Ginebra (4-2) sa Philsports Arena sa Pasig City.
“We’ll see next year. Mabigat kasi ‘yung schedules namin,” ani Tan sa kanilang mga susunod na labanan para sa tsansang umabante sa quarterfinal round ng torneo.
Matapos ang Gin Kings ay haharapin ng Batang Pier ang Meralco Bolts (3-2) sa Enero 14, ang Rain or Shine Elasto Painters (4-1) sa Enero 16, ang San Miguel Beermen (3-3) sa Enero 21 at ang Blackwater Bossing (1-5) sa Enero. 25.
Sa pagpapatuloy ng torneo sa Enero 5 ay lalabanan ng Eastern ang Meralco sa alas-5 ng hapon kasunod ang upakan ng mag-utol na Ginebra at San Miguel sa alas-7:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
- Latest