Gaano katagal para makapagsampa ng kasong cyber libel?
Dear Attorney,
Puwede ko pa bang sampahan ang kaopisina ko na nag-post ng paninira sa akin dalawang taon na ang nakararaan? Noon po kasing pinost niya ‘yung paninira ay hindi ko naasikaso at ngayon lang ako nakakuha ng abogado. – Nellie
Dear Nellie,
Mahalaga munang linawin na ang krimen ng libel, kabilang na ang cyber libel, ay may tinatawag na prescriptive period, na siyang panahong itinakda ng batas kung kailan maaaring isampa ang reklamo.
Ayon sa Korte Suprema sa kaso ng Causing v. People (G.R. No. 258524, 08 April 2026), ang cyber libel ay may prescriptive period na isang taon, katulad din ng “tradisyunal” na libel na ginawa sa pamamaraan ng pagsusulat o sa pamamagitan ng mga pahayagan. Nilinaw ng Korte na ang cyber libel ay hindi isang hiwalay na krimen dahil ito ay libel din na ginawa lamang sa pamamagitan ng computer. Sa ilalim kasi ng Section 4(c)(4) ng Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act, ang computer system ay isa lamang karagdagang paraan ng paggawa ng libel, kaya hindi ito isang bagong klase ng krimen.
Nakasaad naman sa Article 91 ng Revised Penal Code na magsisimula ang pagbibilang para sa prescriptive period mula sa araw ng pagkakatuklas sa krimen. Mahalagang maunawaan na hindi awtomatikong ipinagpapalagay ng batas na natuklasan na ang isang post sa mismong araw na ito ay na-upload. Wala rin namang batas na nagsasabing ang paglalathala sa internet ay itinuturing nang paunawa sa lahat lalo na’t may posibilidad na limitado ang visibility ng isang post sa Facebook.
Sa iyong inilahad, hindi malinaw kung natuklasan mo ba kaagad ang mapanirang post noong bago pa lamang itong lumabas sa Facebook dalawang taon na ang nakakaraan. Kung iyan ang iyong sitwasyon, malaki ang posibilidad na ma-dismiss ang iyong kaso dahil nagsimula na noon pa man ang pagbibilang sa prescriptive period para sa pagsasampa ng kaso.
Gayunpaman, mahalaga na personal ka pa ring kumunsulta sa isang abogado upang mailahad mo ang lahat ng detalye ng iyong sitwasyon dahil baka may mga detalyeng hindi ka nabanggit dito na maaaring makaaapekto sa iyong kaso, tulad ng posibleng patuloy na pagre-repost o re-publishing ng mapanirang post. Sa ganyang sitwasyon ay maaaring may panahon ka pa para makapagsampa ng reklamong cyber libel.
- Latest




















