Bakit may biyenang pakialamera?
BAKIT may mga biyenang hindi kayang hayaan ang anak na mamuhay nang malaya kasama ang sariling pamilya?
Sa sikolohiya, may ilang magulang na nahihirapang tanggapin na ang kanilang anak ay may sarili nang pamilya at hindi na sila ang pangunahing taong nagpapasya sa buhay nito. Kaya kahit may asawa na ang anak, patuloy pa rin silang nakikialam sa mga desisyon, pagpapalaki ng apo, gastusin, at maging sa maliliit na bagay sa tahanan ng mag-asawa.
Narito ang ilang posibleng dahilan kung bakit nagiging pakialamera ang isang biyenan:
1. Hindi matanggap na may kahati na sa atensiyon ng anak.
May mga magulang na nasanay na sila ang laging inuuna ng kanilang anak. Nang mag-asawa ito, nakakaramdam sila ng selos dahil may ibang taong mas pinaglalaanan na ng panahon, pagmamahal at atensiyon ang anak nila.
2. Sobrang pagiging possessive.
Iniisip ng ganitong biyenan na kahit may asawa na ang anak, may karapatan pa rin siyang kontrolin ang buhay nito. Nahihirapan siyang kilalanin ang hangganan sa pagitan ng pagiging magulang at pakikialam sa sariling pamilya ng anak.
3. Takot mawalan ng impluwensiya.
May mga biyenang gustong manatiling makapangyarihan sa buhay ng kanilang anak. Kapag hindi na sinusunod ang kanilang payo, pakiramdam nila ay nawawala ang kanilang halaga at awtoridad.
4. Naniniwalang siya ang laging tama.
Dahil mas matanda at mas maraming karanasan, iniisip niyang mas alam niya ang lahat. Hindi niya matanggap na may sariling paraan at desisyon ang mag-asawa na maaaring iba sa kanyang nakasanayan. (Itutuloy)
- Latest















