EDITORYAL - Online scam hubs sa SEA, wakasan na!
BUKAS pormal na magtatapos ang 49th ASEAN Summit na ang Pilipinas ang naging host country. Maraming kasunduan at mga pangako ang naitala ng mga lider ng rehiyon. Pero may isang problemang dapat ay natapos din kasabay ng summit: ang patuloy na paglawak ng online scam hubs sa Southeast Asia.
Sa Pilipinas, kahit ipinagbawal na ang POGO, patuloy pa ring may nadidiskubreng underground scam operations. Hindi pa rin lubusang napapatay ang POGO at patuloy na namamayagpag.
Noong Nobyembre 3, sinalakay ang isang scam operation sa Pasay kung saan 166 foreign nationals ang naaresto. Gumagamit umano ang grupo ng pekeng police uniforms, handcuffs at staged police station upang takutin ang mga biktima sa ibang bansa at piliting magpadala ng pera.
Ipinakikita nito na hindi na sapat ang solusyon ng isang bansa lamang. Ang recruiter ay maaaring nasa isang bansa, ang scam compound ay nasa ikalawang bansa, ang biktima naman ay nasa ikatlong bansa, at ang pera ay dumadaan pa sa ibang financial system. Kung mabilis gumalaw ang sindikato sa buong rehiyon, dapat kasing bilis din ang koordinasyon ng mga gobyerno.
Kailangan ng mas mabilis na intelligence-sharing, joint investigations, pagsubaybay sa pera, rescue operations para sa trafficking victims at mas malinaw na proseso para habulin ang mga mastermind kahit tumawid sila ng borders.
Tinatayang $114 bilyon kada taon ang economic losses mula sa cybercrime operations sa rehiyon. May mga Pilipino rin umanong napipilitang magtrabaho sa scam hubs sa Myanmar, at iniimbestigahan ng PNP ang mga ulat na maaaring umabot sa 1,500 ang nasa ganitong sitwasyon.
Kasabay nito, itinutulak ng ASEAN ang mas malalim na digital integration at mas madaling cross-border transactions. Maganda iyon para sa negosyo at consumers. Pero ang mas bukas na digital economy ay dapat may kasama ring mas mahigpit na cybersecurity, data governance at cross-border law enforcement.
Sa pagsasara ng summit, hindi dapat matapos sa deklarasyon at photo opportunity ang usapan tungkol sa regional cooperation. Kailangang makita ito sa aktuwal na pagtutulungan laban sa mga sindikatong matagal nang ginagamit ang mga hangganan ng ASEAN para makatakas sa pananagutan.
Kung magiging borderless ang digital economy ng ASEAN, hindi puwedeng borderless din ang galaw ng mga scam syndicate habang watak-watak ang tugon ng mga gobyerno. Ang tunay na sukatan ng summit ay hindi lamang kung ano ang napagkasunduan, kundi kung ano ang ipatutupad pagkatapos nitong magsara. Unahing durugin ang online scam hubs sa SEA.
- Latest















