^

PSN Opinyon

Ang kapansanan ay hindi katatawanan

BARDAGULAN - Ronald M. LLamas - Pilipino Star Ngayon

Sa mundo ng pulitika, bahagi na ang puna at batikos. Bahagi ito ng demokrasya upang bantayan ang mga lingkod-bayan, humingi ng pananagutan, at malayang maipahayag ang ating opinyon.

Maaari itong political cartoons, satire, jokes, memes, reels, artikulo, interviews, at debate. Minsan, tinatawag itong “bardagulan.”

Pero hindi lahat ay lehitimong batikos o freedom of expression.

Dito pumapasok ang atake kay Akbayan Rep. Perci Cendaña, isang stroke survivor.

Isang di-umano’y artist ang gumamit ng kanyang pisikal na kondisyon upang iguhit at kutyain ang kanyang hitsura.

Kilala ko si Rep. Perci. Hindi siya balat-sibuyas. Sanay sa bardagulan at hindi umaatras sa mabibigat na laban. Patunay? Siya ang kauna-unahang nag-endorso ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Pero sa pangungutya sa kapansanan ng PWD, Perci draws the line for persons with disabilities (PWDs).

Sa ilalim ng RA 7277, o Magna Carta for PWDs, na pinalakas ng RA 9442, protektado ang PWDs laban sa pangungutya, panlalait, at diskriminasyon dahil sa kanilang kapansanan. May parusa itong multa at kulong.

Nagpaumanhin man ang “artist”, mukhang seseryosohin pa rin ni Rep. Perci ang kanyang mga legal na hakbang. Ani niya, hindi na lamang ito tungkol sa kanya. Ito ay para sa bawat PWD na nilait, kinutya, diskriminado, o ginawang katawa-tawa dahil sa kanilang kapansanan o kondisyon.

Siyempre, humirit ang Duterte fans’ club. Kung hindi raw kaya ni Perci ang batikos, dapat wala siya sa politika.

Mga engot! Kailan pa naging politikal na pambabatikos ang pangungutya sa kapansanan? Ano ang kinalaman ng kapansanan sa polisiya, pamamahala at paninindigan?

Hirit naman ng DDS influencer na PWD, “Ako nga, kinukutya ang aking kapansanan; hindi naman ako nagrereklamo.”

Aba, problema mo na iyon! Kung ayaw mong ipaglaban ang iyong karapatan; huwag mong ipagkait sa iba.

Tanong naman ng iba, paano naman ang exaggerated political effigies at cartoons ng mga politiko, gaya ng mga Duterte?

Simple. May political context ang mga iyon: pagpuna sa polisiya at pamamahala. Ang larawan kay Rep. Perci? Walang political point. Nanlalait lang ng kapansanan.

Tandaan. Lahat tayo ay may karapatang mambatikos. Pero walang sinuman ang may lisensiyang manghamak ng kapansanan.

Sa pulitika, puwedeng maging matalim ang opinyon mo. Pero hindi kailangang maging mapurol ang asal at pagkatao mo.

BATIKOS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with