‘Election 2028 sa Pangasinan, umiinit na’
Unti-unti nang umiinit ang ugong ng eleksyon sa Pangasinan, kahit mahigit isang taon pa bago ang May 2028.
Sa mga usapang kanto, social media at mga political gatherings, lumulutang na ang mga pangalan ng posibleng makakalaban sa pagka-gobernador ni incumbent Gov. Ramon Guico III na si Department of Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III at Bayambang Mayor Niña Jose-Quiambao.
Kahit wala pang naisapinal na kumpirmasyon mula sa mga nababanggit, madalas nagsisimula ang tunggalian sa eleksyon sa mga bulung-bulungan, bago maging pormal na anunsyo.
Mas kapansin-pansin ang pag-init ng usapan sa Western Pangasinan. Lumilitaw na rin ang mga pangalan para sa Sangguniang Panlalawigan, kabilang sina incumbent board members Apple Bacay at Nong Fontelera, Sual Mayor Dong Calugay at dating board member Orange Humilde-Versoza.
Kaabang-abang ang posibleng pagkakahanay sa bayan ng Sual, kung saan naibulong na nagkaroon na ng political understanding ang kampo ni Calugay at ng mga Celeste. Hindi kataka-taka kung maraming mata ang nakatutok sa Sual—isang lugar na matagal nang itinuturing na mahalagang political territory at negosyo sa kanlurang bahagi ng lalawigan.
Samantala, usap-usapan din ang posibilidad na tumakbo bilang vice governor ang three-term Alaminos City Mayor Bryan Celeste. Kung magkakatotoo, maaari niyang makaharap ang 2nd District Rep. Mark Cojuangco, na matagal nang inuugnay sa posibilidad ng pagtakbo para sa mas mataas na posisyon sa Kapitolyo.
Sa unang distrito naman, maaaring muling uminit ang matagal nang political rivalry ng mga Braganza at Celeste. Binabanggit sa mga usapan ang dating mambabatas at dating DAR secretary Hernani “Nani” Braganza at kasalukuyang DAR Undersecretary Kaizel Celeste bilang posibleng magtapat.
Kung tutuusin, wala pa nga namang pinal sa mga posisyong nais okupahan at mga tambalan. Ngunit ang mga political chess pieces ay tila unti-unti nang inilalagay sa kanilang mga posisyon.
At dito nagiging mahalaga ang papel ng mga Pangasinense sapagkat hindi lamang dapat pangalan, angkan o political machinery ang pag-usapan.
Dapat pagtuunan ng pansin ang mga plataporma, track record at konkretong solusyon ng bawat posibleng mailuklok na lider—sa agrikultura, trabaho, imprastraktura, kalusugan, edukasyon at iba pang isyung direktang nararanasan ng mga Pangasinense.
Dahil hindi dapat tungkol sa kung sino ang pinakamalakas na political clan, kundi tungkol sa kung sino ang may kakayahang pamunuan nang maayos ang Pangasinan.
* * *
Para sa komento: [email protected]
- Latest


















