Mga big fish, isa-isang nalalambat
Mukhang panahon na ng pangingisda sa pulitika. At hindi maliliit na dilis ang nalalambat. Mga big fish ang isa-isang napapasok sa lambat ng hustisya.
Kamakailan, may warrant of arrest na inihain laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng 3 counts ng grave threats. Bukod sa impeachment proceedings, may kasong kriminal pa siyang hinaharap. Para sa korte, may sapat na batayan para mag-isyu ng warrant at itinakda ang piyansa sa P120,000 bawat kaso. Matapos ang samu’t saring drama na parang teleserye na sablay sa ratings, nagpiyansa rin si Sara.
Nitong Lunes, isa pang heavyweight ang naging balita. Si dating House Speaker Martin Romualdez ay inaresto kaugnay ng kasong plunder sa tinatayang P7.44 bilyon. Inisyu ng Sandiganbayan ang warrant matapos makakita ng probable cause sa kasong isinampa ng Ombudsman.
Dalawang makapangyarihang pangalan. Dalawang magkaibang paksyon. Tila may isang mensahe: Lahat ay mananagot.
Pero mukhang hindi pa tapos ang pamimingwit.
Kasama sa mga posibleng susunod na lalambating big fish ay si Senator Alan Peter Cayetano, na nasasangkot sa kontrobersiya sa mga ghost at anomalous projects sa Taguig. Kaya tila kaliwa’t kanan ang pagdarasal ni “Ambassador of Jesus Christ.” Baka sakaling may miracle na makapagligtas sa kanya sa gusot.
At nariyan din si Senator Loren Legarda at ang kanyang anak na si Rep. Leandro Leviste na nasa extended foreign vacation trip. Si Loren, mula sa pagiging political butterfly, ay isa nang big fish. Dawit ang mag-ina sa mga alegasyong plunder kaugnay ng kontrobersiyal na bilyon-bilyong pisong solar projects. At may hiwalay pang kasong human trafficking na iniuugnay kay “Solar Boy.”
Ito na ang hinihintay na araw ng pag-uusig ng mamamayan, na ilang beses nang na-delay. Panagutin ang lahat. Anuman ang kanilang paksyon sa pulitika at posisyon sa pamahalaan.
Ang tanong, mauuwi ba ang lahat ng ito sa hustisya na isinisigaw ng mamamayan?
Walang sigurado sa klase ng pulitika na mayroon tayo. Kung nais ng taumbayan ang tunay na katarungan at pananagutan, kailangang sila mismo ang maggarantiya.
Higit kailanman, kailangang magmatiyag at patuloy na kumilos. Mas marami pang big fish ang dapat malambat. Tapos na ang panahon ng mga dilis.
- Latest















