EDITORYAL — Pagbaba ng poverty rate
MAGANDANG balita na bumaba sa 9.7 porsiyento ang poverty incidence ng bansa noong 2025. Pero kasabay nito, may bagong sukatan na nagbibigay ng mas malawak na larawan kung ano talaga ang ibig sabihin ng pagiging mahirap sa Pilipinas.
Sa kauna-unahang pagkakataon, naglabas ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng Multidimensional Poverty Index (MPI), isang sukatan ng kahirapan na hindi lamang nakatingin sa income o kinikitang pera ng isang pamilya. Sinusuri rin nito ang mga kakulangan sa edukasyon, trabaho, kalusugan at nutrisyon, pabahay at malinis na tubig.
At sa unang MPI ng bansa, tinatayang 12.8 porsiyento ng mga Pilipino noong 2024 ang multidimensionally poor. Ibig sabihin, may mga pamilyang maaaring hindi pasok sa tradisyonal na sukatan ng income poverty, pero sabay-sabay namang nakararanas ng iba’t ibang kakulangan na direktang nakaaapekto sa kanilang kalidad ng buhay.
Mahalaga ang bagong MPI dahil ipinapaalala nitong hindi natatapos sa kinikitang pera ang kahirapan.
Maaaring may trabaho ang isang tao, pero kung hindi siya nakatapos ng high school, nakatira sa hindi maayos na bahay, walang sapat at malinis na tubig, at hirap makakuha ng serbisyong pangkalusugan, masasabi bang nakaahon na talaga siya?
Ayon sa PSA, edukasyon ang pinakakaraniwang problema, lalo na sa mga adult na hindi nakatapos ng high school. Malaking hamon din ang housing, water at sanitation.
Dito dapat gamitin ang MPI: hindi bilang pamalit sa income-based poverty rate, kundi bilang mas malinaw na mapa kung saan at anong klaseng tulong ang kailangan.
Tama rin ang paalala ng ilang ekonomista na hindi nito sinasagot kung sapat ba ang kasalukuyang poverty threshold. Kung mababa o lipas ang pamantayang ginagamit sa basic needs, posibleng may mga pamilyang hindi itinuturing na mahirap sa statistics pero hirap pa rin sa aktuwal na buhay.
Magandang headline ang pagbaba ng poverty rate. Pero hindi dapat doon matapos ang kuwento.
Ang tunay na pag-unlad ay hindi lamang pagtaas ng kita sa papel. Dapat nakikita ito sa bahay na ligtas, tubig na malinis, edukasyong abot kaya, trabahong maayos at serbisyong pangkalusugan na hindi nakalulubog sa utang.
Dahil ang kahirapan ay hindi lang laman ng bulsa. Ito rin ang kalidad ng buhay na kayang ibigay ng lipunan sa bawat Pilipino.
- Latest




















