EDITORYAL — Siksikan na naman sa classrooms
KAKULANGAN na naman sa classrooms ang bumulaga sa mga mag-aaral at guro sa pagbubukas ng klase noong Lunes (Hunyo 8). Sa kabila na may record-high na P1.35 trillion budget ang Department of Education, kung saan P85.3 billion ang inilaan para sa pagpapatayo at pagkukumpuni ng mga paaralan, nananatiling nagsisiksikan ang mga kabataan sa classrooms. Mistulang mga sardinas.
Sa Central Visayas, aabot na sa 10,000 ang kakulangan sa classrooms. Ang pangakong pagbabago sa papel ay binura nang paulit-ulit na problema kung saan ang mga mag-aaral ay pinagkakasya sa double-shift schedules at mga gurong nag-aabono mula sa sariling bulsa para may magamit na materyales sa pagtuturo.
Ang mas nakakagalit na katotohanan, hindi ang kawalan ng pera, kundi ang nakapaparalisang bagal ng burukrasya. Anim na buwan na ang nalagas sa 2026, ngunit ibinunyag ng DepEd Region 7 na wala pa ni isang bagong proyektong pang-imprastraktura ang nasisimulan dahil hinihintay pa rin nila ang priority project listings mula sa Central Office. Habang nagtuturuan at naghihintayan ang mga opisyales sa pagpirma ng mga dokumento, ang mga mag-aaral ang nagbabayad ng presyo. Patuloy silang nagtitiis sa blended learning o kaya nama’y nagsisiksikan sa mga mapanganib na pasilidad na pinadapa ng mga nagdaang bagyo at lindol.
Ang panganib ng ganitong kapabayaan ay hindi na lamang usapin ng pagkatuto; usapin na ito ng kaligtasan.
Hindi sapat na sabihing sanay na ang mga Pilipino sa tagpi-tagping solusyon. Hindi katanggap-tanggap na ginagawang normal ang morning at afternoon shifts habang ang bilyun-bilyong pondo para sa bagong imprastraktura ay nakatengga sa mga opisina ng gobyerno.
Gaya ng paulit-ulit na idinadaing ng mga guro, ang pondo para sa edukasyon ay parang isang cake na pilit hinahati sa maraming bibig taun-taon. Lumalaki man ang budget, pilit naman itong inuunahan ng mabilis na paglobo ng populasyon ng mga mag-aaral at ng naipong kakulangan mula sa mga nakaraang dekada. Subalit kahit gaano pa kalaki ang budget na ipasa ng Kongreso, magiging walang silbi ito kung ang ahensiyang dapat magpatupad ay nabubulok sa sariling sistema ng pag-antala.
Ang pagresolba sa krisis sa edukasyon ay hindi nakukuha sa pagyayabang ng trilyong pisong alokasyon. Nangangailangan ito ng mabilis, tapat, at epektibong pagpapatupad na malaya sa red tape at kapabayaan. Hangga’t inaabot ng ilang buwan o taon bago maibaba ang pondo at maitayo ang isang simpleng silid-aralan, ang anumang dagdag na badyet ay mananatiling ilusyon. Panahon na upang papanagutin ang mga nasa likod ng usad-pagong na sistemang ito, dahil sa bawat araw na inaantala nila ang pagpapatayo ng mga paaralan, ninanakawan nila nang maayos na kinabukasan ang kabataang Pilipino.
- Latest





















