Suklam (98)
Bago naghiwalay ang dalawa, madamdamin ang sinabi ni Julio kay Brent.
“Maraming salamat, Brent sa mga payo mo—kahit hindi ko sinusunod. Pero ngayon, may aral na ako. Hindi ko malilimutan ang mga sinabi mo. Babalitaan na lang kita sa mga nangyayari sa buhay ko. Ikaw ang una kong pagsasabihan ng problema.’’
“All the time, Julio.’’
Naghiwalay na sila.
Habang pauwi si Brent, naalala niya ang mga ipinagtapat ni Julio ukol kay Vivian. Kung sinunod lamang siya ni Julio, hindi niya daranasin ang sakit. Hindi sana niya makikita ang aktuwal na kataksilan ng asawang si Vivian. Mahirap nang maalis sa utak niya ang ginawang kataksilan ng asawa—sa mismong kuwarto pa nila. Hindi na binigyang halaga ni Vivian ang kuwarto nilang mag-asawa. Pinugayan ng dangal si Julio sa mismong pugad nila. Nakakasuklam!
Sabagay, naisip ni Brent, ang naranasan ni Julio ay walang ipinagkaiba sa ginawa ng nanay niya sa kanyang tatay. Pinatawad din at binigyan ng pagkakataon ng kanyang tatay ang kanyang nanay pero inulit din ang ginawang pangangalunya. Kung nakinig sana si Julio sa kanya hindi mararanasan ang ikalawang sakit.
SABADO. Tanghaling gumising si Brent. Wala siyang pasok. Mula nang maging superbisor, hindi na siya nag-oobertaym.
Nag-almusal siya. Maagang magluto ang kanyang tatay.
Habang kumakain, napansin niyang may kausap sa cell phone ang kanyang tatay.
Nang mahalata ng kanyang tatay na pinakikiramdaman niya ito sa pakikipag-usap, lumabas ito ng bahay.
Sino kaya ang kausap ng kanyang tatay at parang pinaglilihim?
Mukhang mahalaga ang pinag-uusapan dahil seryoso ang boses ng kanyang tatay.
Maya-maya, pumanhik na ang kanyang tatay.
Hindi nakatiis si Brent at tinanong ang kanyang tatay.
“Sinong kausap mo ‘Tay?’’
“Ha? A e si kuwan…’’
Halatang nabigla ang kanyang tatay. (Itutuloy)
- Latest