Black Widow (Simula)
PUMASOK na si Marie sa opisina matapos ang may halos dalawang bakasyon. Namatay ang kanyang asawang si Mark dahil sa atake sa puso. Bakas sa mukha ni Marie ang matinding kalungkutan. Marami ang nagpayo na huwag muna siyang pumasok sa opisina at manatili muna sa bahay habang hindi pa lubusang natatanggap ang pagkawala ni Mark. Pero si Marie na rin ang nagkusang pumasok na sa opisina. Mas nalulungkot siya sa bahay. Wala rin naman siyang makakasama dahil nag-aaral ang anak niya.
“Condolence, Marie,” sabi sa kanya ng kaopisinang babae nang pumasok siya sa kanilang departamento.
“Salamat, Cynth.’’
Isa pang babaing kaopisina ang bumati at nakiramay sa kanya.
“Sana hindi ka muna pumasok, Marie. Maunawain naman si Bossing. Para nakakapag-adjust ka sa pagkawala ni Mark.’’
“Okey na ako Jam. Salamat.’’
Halos lahat ng kanyang kaopisina ay dumating noong nakaburol ang kanyang asawang si Mark at alam ang mga nangyari. Pati nga kanyang boss ay naroon.
Habang nagtatrabaho si Marie ay alam niyang pinag-uusapan siya ng kanyang mga kaopisinang lalaki. Kahit halos pabulong ang usapan ng mga ito ay tila ba naririnig niya ang pinag-uusapan.
“Biyuda na naman si Marie.’’
“Nakakatatlong asawa na siya di ba?’’
“Oo.’’
“Meron daw talagang ganyang babae, biyudahin.’’
“Parang black widow?’’
“Iba naman ang black widow, pre. Spider yun.’’
“Oo nga pero pinapatay ng black widow ang kanyang asawa.’’
“Ow?’’
“Pre ang babaing black widow ang pinaka-makamandag na gagamba. Pagkatapos nilang magtalik ng kanyang mate, pinapatay niya ito.’’
“Ganun ba? Hindi ko alam yun ah.’’
“Magbasa ka pre, para madagdagan ang nalalaman mo.’’
“Sa palagay mo, mag-aasawa pa si Marie?’’
“Posible. Medyo bata pa naman at maganda. May porma pa naman kahit nakatatlo na.’’
“Kaya lang nakakatakot. Baka may sumunod pang mamatay kapag nag-asawa uli siya.’’
“Oo nga ano. Delikado sila kay Black widow.’’
Sinulyapan ng dalawa si Marie. Napatingin din si Marie sa kanila. Binawi ng dalawa ang tingin at nagtungo na sila sa kani-kanilang mesa para magtrabaho.
Napahinga naman nang malalim si Marie. Naalala niya si Mark.
(Itutuloy)
- Latest