^

True Confessions

Sinsilyo (178)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon
This content was originally published by Pilipino Star Ngayon following its editorial guidelines. Philstar.com hosts its content but has no editorial control over it.

PAGKATAPOS gamutin ang mga pasa at makitang wala namang nabali o napilay kay Gaude, pinauwi na sila ng doctor. Niresetahan ng iinuming gamot para sa pamamaga at pananakit ng katawan. Walang binayaran si Tata Kandoy dahil government hospital iyon.

“Masakit pa ang pisngi mo, Gaude?”

“Hindi na po Lolo.”

“Ang tagiliran mo?”

“Hindi na po.’’

“Makakalakad ka na hanggang sa may gate?”

“Opo. Kaya ko na po.’’

Naglakad sila hanggang gate. Balak ni Tatang Kandoy na doon kukuha ng taksi pero hindi pa niya alam kung saan sila pupunta o saan dadalhin si Gaude.

Hanggang makita ni Tata Kandoy ang tindahan ng ukay-ukay sa tapat.

“Halika sa ukay-ukay at ibibili kita ng damit na maisusuot mo pansamantala. Kailangang mapalitan na ang suot mo at maantot na, he-hehe!”

“Kakahiya nga po Lolo dun sa doctor na gumamot sa mga pasa ko. Palagay ko, hindi humihinga kanina habang nililinis ang pasa ko sa pisngi.’’

“Oo nga. Para kang semi-taong grasa, he-he!”

“Saan kaya ako puwedeng maligo, Lolo.’’

“Mamaya na. Bili muna tayo ng damit para ka ma­ka­pagpalit.”

Tumawid sila sa kabila at namili ng mga damit sa ukay-ukay.

“Mamili ka ng dalawang pantalon, dalawang polo, dalawang t-shirt at dalawang short.’’

Mabilis na nakapamili si Gaude. Binayaran ni Lolo. Marami siyang dalang pera. Pinaghandaan niya iyon.

“Saan ko ito isusuot Lolo?” tanong ni Gaude nang nasa labas na sila.

Nag-isip si Tata Kandoy. Hanggang sa matanaw ang isang restawran ng Intsik sa di-kalayuan.

“Dun! Kakain tayo sa restaurant na iyon at dun ka magpalit sa comfort room nila. Okey?’’

Tumango si Gaude. Nakangiti.

Pumasok sila sa res­taurant. Habang umuorder si Tata Kandoy, nagbihis si Gaude.

Eksaktong dumating ang order nila, tapos na sa pagbibihis si Gaude.

“O mukha ka na uling estudyante. Hindi ka na semi-taong grasa.’’

“Oo nga Lolo. Masarap sa pakiramdam na nakapagpalit ako ng damit.’’

“Okey. Sige kumain muna tayo. Umorder ako ng nilagang baka at pritong isdang tanigi. Humigop ka ng sabaw para manauli ang lakas mo.’’

Kumain sila. Sunud-sunod ang subo ni Gaude. Sarap na sarap sa nilagang baka.

“Pagkatapos nating kumain, maghahanap tayo ng titirahan mo. Magbi-bed space ka. Ang problema ay kung saan.’’

“E di doon na lang sa malapit sa school ko. Ma­rami roon Lolo. Pero hindi kaya ako makita roon ni Tito Mau. Malapit na rin kasi iyon sa bahay niya.’’

“Hindi ka makikita nun. Sige dun tayo maghanap. Mabuti at ilang hakbang sa school mo.’’

Dun sila nagtungo pagkatapos kumain.

Mabilis silang nakakita. Tanggap agad si Gaude para bed spacer. Nagbayad agad si Tata Kandoy.

(Itutuloy)

GAUDE

HANGGANG

LOLO

MABILIS

OO

SAAN

SILA

TATA KANDOY

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with