Hiyasmin (256)
“Anong masama, Siony?’’ tanong ni Lira na hindi inaalis ang mga mata sa pagkakatingin sa kaibigan.
“Pakiramdam ko, nahihibang na siya—para bang nasisiraan ng bait!”
Nanghilakbot si Lira. Hindi siya makapaniwala na ang isang edukado at may itsurang si Rashid ay may deperensiya sa pag-iisip.
“Pero iyon ay sapantaha ko lamang nung una, Lira. Wala pa akong konkretong dahilan para masabing nasisiraan nga siya. Ang pinagbasehan ko lang ay ang kanyang pag-alis-alis sa bahay na alanganing oras at saka ang pagiging walang pakialam habang naglalakad sa kalye at nung huli ay napansin kong bulong nang bulong at nagsasalitang mag-isa.
“Alam ko sapagkat sinusubaybayan ko ang kilos ni Rashid. Dahil nag-iisa ako sa bahay araw-araw dahil nasa trabaho ang aking mga amo, nagagawa kong subaybayan ang mga kilos ni Rashid. Lihim akong nakamatyag sa kanya at base nga sa obserbasyon ko, talagang nasisiraan siya.”
“Sa palagay mo, Siony, ano ang dahilan at nagkaganun si Rashid? Para kasing mahirap paniwalaan na ang katulad niyang may pinag-aralan ay basta na lamang masisira ang katinuan.”
“Baka hindi ka maniwala, Lira sa sasabihin ko.”
“Ano yun Siony?’’
“Nang minsang makita ko siya sa parke, nagsisigaw siya!”
(Itutuloy)
- Latest