Sinsilyo (141)
“MAGPALIWANAG ka kay Mau! Isusumbong kita kapag duma-ting siya! Napakalaki ng kasalanan mo sa kanya. Pinagtiwalaan ka tapos iiputan mo sa ulo!’’
“Wala akong ginagawa. Magsumbong ka kung gusto mo. Hindi ako natatakot.’’
“Talagang isusumbong kita!”
“Gawin mo na lang kung gagawin mo.’’
“Matapang ka na ha. Sige tingnan ko lang ang mangyari sa’yo kapag nalaman ni Mau ang ginagawa n’yo ni Lyka. Baka bugbugin ka nun.’’
Hindi nagsalita si Gaude. Kapag nagsa-lita siya, patuloy siyang tatakutin ni Kastilaloy. Ipakikita niyang hindi siya natatakot. Ang walang ginagawang masama ay walang kinatatakutan. Kaya niyang humarap kay Mau dahil wala siyang ginagawang masama.”
Natigilan naman si Kastilaloy. Mukhang hindi uubra ang ginagawang pananakot kay Gaude.
“Pero kung papapasukin mo ako sa kuwarto mo para makita ang mga barya, walang malalaman si Mau. Basta papasukin mo ako at titingnan ko ang mga barya. Hindi naman mahirap yun.’’
“Hindi. Isumbong mo na lamang ako kay Tito Mau.’’
“Gusto mong mabulgar ang ginagawa n’yo ni Lyka?”
“Wala kaming ginagawa ni Tita Lyka.’
“Wala ha? Sige kung ayaw mo akong papasukin sa kuwarto mo, hintayin mo na lamang ang bagsak ng tabak sa ulo mo. Sibak ang ulo mo kay Mau!’’
“Hindi ako natatakot! Magsumbong ka kung gusto mo!” sigaw ni Gaude.
“Estupido! Tonto!”
“Kahit na ano pa ang itawag mo wala akong pakialam.”
Hanggang sa biglang dumating si Lolo Kandoy. Nakita ang pagsisigawan ng dalawa.
“Hoy anong ginagawa mo kay Gaude?
“Huwag kang makialam dito, gago!”
“Sinong gago ha?” sabi ni Lolo Kandoy at sumugod kay Kastilaloy.
Nagpambuno ang dalawang matanda.
(Itutuloy)
- Latest