Takaw (116)
NAGTUNGO si Trevor sa pinaka-malapit na ospital. Doon niya hahanapin si Mam Mina. Malakas ang kutob niya na si Mam Mina ang sinasabi ng lalaking nakausap niya. Tumutugma sa mga pangyayari. Naabot daw ng babae na may masamang ginagawa ang ama sa anak na babae. Kahapon, natatandaan ni Trevor ay nagmamadali si Mam Mina sa pag-alis. Gusto niyang maunahan ang anak sa bahay. Pero hindi ganoon ang nangyari. Nasa bahay na ang kanyang anak at kung tama ang kanyang hinala, naroon na rin ang asawang addict ni Mam Mina. At dahil sa pagkasugapa, pati ang nag-iisang anak ay hindi pinatawad. Ang katakawan ay nasa buto na.
Nakarating si Trevor sa unang ospital na pinakamalapit sa ospital. Nagtanung-tanong siya sa information. Sinabi niya ang pangalan ng pasyente. Wala raw.
Lipat sa isa pang os-pital si Trevor. Nagtanung-tanong din siya. Ibinigay niya ang pangalan ng pasyente. Wala rin.
Nakadama ng pag-kabigo si Trevor. Habang lumilipas ang oras ay nadadagdagan naman ang kaba niya. Maya-maya lamang sasapit na naman ang gabi. Mag-iisa na naman siya. Kailangang makita niya si Mam Mina. Gusto niyang malaman ang kalagayan ni Mam Mina. Ayon sa lalaki, nasaksak din daw ang babae. Hindi naman nasabi kung ano ang lagay ng babae. Basta ang tiyak, patay ang lalaki.
Naalala ni Trevor na noong umagang umalis si Mam Mina ay tila balisa siya. Mayroong gumugulo. Kahit itinatago, naramdaman iyon ni Trevor. Sa maikling panahon ng pagkikilala, kabisado na niya ang ugali ni Mam Mina. Madali niyang nahuli ang ugali ng babae.
Ipinagpatuloy ni Trevor ang paghahanap. Ang tinungo niya ay ang ma-laking ospital. Malakas ang kutob niyang narito si Mam Mina.
Nagtanong siya sa babaing nasa information. Sinabi niya ang pangalan ng pasyente. Pinaghintay siya.
Maya-maya ay may sinabi ang babae. Hindi matanggap ni Trevor ang sinabi ng babae. Iyon ang pinakamasakit at malungkot na balitang natanggap sa buong buhay niya. (Itutuloy)
- Latest
- Trending