Takaw (9)
“ANONG ginawa mo, Delmo?” tanong ni Trevor Buenviaje na parang minamadali ang traysikel drayber sa pagkukuwento ng kasaysa-yan ni Pareng Tommy niya.
Sasagot na sana si Delmo pero narinig nila ang pagpasok sa pinto ni Thelma. May bitbit na dalawang plastic na supot. Pagkain nila.
“Etong pagkain. Mabu-ti at natiyempuhan kong may litson sa bayan,” sabi ni Thelma.
“Nakarating ka pa sa bayan?”
“Malapit lang naman. Kasi’y wala nang tindang ulam sa karinderya ni Akang. Kakahiya naman kung ano na lang ang ipa-kain sa bisita natin. Ano nga uli ang name mo?’’
‘‘Trevor. Trevor Buenviaje.’’
‘‘A oo. Nakalimutan ko kasi. Kakaiba kasing name.’’
“Maghain ka na nga, Thelma at nagugutom na si Trevor.’’
Humakbang si Thelma pero sumulyap muna kay Trevor. May itsura si Thelma. Parang dalaga pa ang katawan. Siguro ay wala pang anak ang mag-asawa. Ayaw naman niyang itanong kay Delmo. Masyado na siyang magi-ging mausisa.
Nagpatuloy si Delmo sa pagkukuwento ng kasaysayan ni Tommy.
‘‘Matagal din bago ko nagawang ipagtapat kay Pareng Tommy ang ginagawa ng kanyang asawang si Lina at helper. Talagang pinag-isipan ko munang mabuti. Naka-hanap ako ng tiyempo nang mag-birthday ako. Inanyayahan ko siya. Naghanda ako ng maiinom namin. Nang medyo nakita kong puwede nang simulan ang pagtatapat e sinimulan ko na. Una kong tirada sa kanya e kung talaga bang pinsan ng misis niya ang helper sa gulayan. Sagot niya ay pinsan daw. Pinsang buo pa nga. Sabi ko, masyado yatang malapit ang magpinsan sa isa’t isa. Sabi ni Pareng Tommy ay talagang ganun ang dalawa. Noon daw nasa Quezon pa ang dalawa ay talagang malapit na. Sila lamang sa magpipinsan ang magkasundo. Mabait daw talaga ang pinsan ni Lina.
‘‘Pero nang sundan ko na pati ba ang pagpunta sa lodging house ay bahagi na rin ng kanilang pagiging malapit. Napatingin nang makahulugan sa akin si Pareng Tommy. Ano raw ang ibig kong sabihin? Sinabi ko na ang lahat. Ilang beses ko nang nakita ang asawa niya at helper na nagtutungo sa lodging house sa bayan. Pagkatapos na madispatsa ang mga gulay ay nagtutungo sila roon.
“Napakunot ang noo ni Pareng Tommy. Sabi sa akin, baka raw binibiro ko siya ay huwag naman dahil baka masira lang ang pagkakaibigan namin. Sagot ko, hindi ako nagbibiro at kaya ko nga sinabi sa kanya iyon ay dahil kaibigan ko siya. Hindi ko na masikmura ang ginagawa ng dalawa. Pero pinaalalahanan ko siya na huwag munang gumawa ng kung anong masamang hakbang. Payo ko ay mag-imbestiga siya at hulihin ang dalawa sa akto. Mas maganda kung siya ang makakahuli.”
Magsasalita pa sana si Delmo pero tinawag na sila ni Thelma.
‘‘Halina kayong dalawa at kumain na tayo. Tamang-tama na mainit pa ang kanin. Dito mo na ikuwento ang kasunod Delmo. Mas maganda ang mga kasunod na pangyayari di ba?’’
“Oo, si Pareng Tommy na ang makakaakto sa dalawa. Halika na Trevor,” yaya ni Delmo.
Tumayo ang dalawa at tinungo ang mesang may hain. Si Thelma ay naka-ngiti kay Trevor. Makahulugan ang ngiti.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending