May hiyas pa sa liblib (105)
NANG dumating si Mulong sa bahay ay si Kuya Fred lamang ang nakita niya. Nasa kusina na ito at naghuhugas ng malagkit na bigas. Wala si Ganda. Agad na nahulaan ni Mulong na nasa silid at nagpapahinga. Bumabawi ng lakas dahil sa nangyaring sunog na muntik na niyang ikamatay.
“Grabe pala ang nangyari kay Ganda,” sabi ni Fred kahit na hindi tinatanong ni Mulong. “Muntik na pala siyang matusta kung hindi nakatalon sa bintana sa likuran ng bahay. Walang fire exit ang bahay. Mabuti rin at walang rehas ang bintana sa second floor.”
“Kaya ba may galos siya Kuya?”
“Oo. Mabuti at ang binagsakan niya ay estero. Kung hindi baka nagkabali-bali na ang buto niya, Lumangoy daw siya sa estero na tambak ng basura. Mabuti nga raw at marunong siyang lumangoy. Napakinabangan niya ang paglangoy niya noon sa Bgy. Luningning.
“Hindi na raw niya inintindi ang mga basura na kanyang sinagupa. Hindi na niya inintindi ang mabahong amoy ng estero. Basta ang mahalaga ay makarating siya sa kabilang pampang. Nang makarating daw siya sa kabila ay halos panawan siya ng ulirat dahil sa sobrang pagod. Iyon daw ang pinakamatinding pagod na naranasan niya sa buong buhay. Nakadapa siya sa pampang na marami ring basura. Matagal daw siya sa pagkakadapa. Nagpapanauli ng lakas.
“Nang subukan niyang lingunin ang pinanggalingan, ang malaking apoy na tumutupok sa bahay-restaurant ang nakita niya. Napakalaki ng apoy. Kumalat nang kumalat. Pati mga katabing bahay ay nilamon.
“Nang inaakala raw niya na may natipon nang lakas, unti-unti siyang naupo. Hanggang sa makatayo. Lumakad siya nang dahan-dahan. Madilim sa lugar. Hindi niya alam kung saan siya tutungo dahil madilim na madilim. Wala siyang makitang bahay. Litung-lito siya kung saan tutungo.
“Noon daw niya naalalang tawagan ang kanyang namayapang Lola Angela. Lola, tulungan mo ako, sambit daw niya. Natatandaan niya, ang mga malalapit na kamag-anak daw na namatay ay nakatutulong sa oras ng panganib lalo na kung ito ay pinagdasal noon. Lagi niya raw pinagdarasal ang kaluluwa ng kanyang lola noon pa.
“Nagpatuloy daw siya sa paglalakad. Dahan-dahan. Hanggang sa biglang may nakita siyang barung-barong. May ilaw sa loob. Tumawag daw siya. Ilang beses siyang tumawag bago tuluyang lumabas ang may-ari ng barung-barong.
“Isang matandang babae raw ang nakita niya. Puting-puti na ang buhok. Inaaninaw daw siya ng matanda. Nagpakilala raw siya. Sinabi niyang biktima ng sunog. Dali-dali raw binuksan ng matanda ang pinto ng barung-barong. Pinapasok siya. Naglabas ito ng damit at tuwalya. Tinanong siya kung gustong magbuhos para maalis ang amoy estero. Kaya raw ba ng katawan niya. Kaya naman niya. Nagbuhos siya. Nagsabon. Nagbanlaw.
Nang makapagbihis ay nilagyan ng gamot ang mga sugat sa braso at leeg.
“Pinagpahinga siya ng matanda sa papag. Nakatulog daw agad siya…”
(Itutuloy)
- Latest
- Trending