May hiyas pa sa liblib (70)
“IKAW na muna ang bahala sa bukid ko at mga alaga, Raul,” sabi ni Fred nang nasa Socorro na sila at pasakay na ng van patungong Calapan City. Hindi na niya ginamit ang pick-up. Baka itirik pa siya habang nasa biyahe.
“Walang problema, Pinsan. Bibisitahin ko na lang. Ayusin mo muna ang problema sa Maynila.”
Habang tumatakbo ang van ay kung anu-ano ang naisip ni Fred. Nakokonsensiya siya dahil hindi naaasikaso ang anak. Ang kanyang kapa-tid na babae ang nagpalaki na rito. Mas inuna pa niya ang makapag-asawa, kay Precy nga, na pinagtaksilan naman siya. At makaraan iyon ay nag-ermitanyo naman siya sa Luningning at hindi naaalala ang anak. Malaki ang pagkukulang niya. Kawawa ang anak niya.
Hindi susulat ang kapatid niya kung walang masamang nangyayari. Hindi siya mapakali sa pagkakaupo sa van. Napansin niyang naiirita na ang katabi niyang babae dahil walang tigil siya sa pagkilos habang nakaupo. Parang may bulate siya sa puwit. Sana naman, walang masamang nangyari sa anak ko! Naidalangin niya.
Sa Supercat siya sumakay para mabilis na makarating sa Batangas City. Walang isang oras na nilakbay ng Supercat ang karagatan ng Mindo- ro-Batangas. Maganda ang panahon. Pinung-pino ang mga alon.
Eksaktong ala-una ay nasa Makati na siya. Nagtaksi na siya patungo sa H. Santos St. – sa bahay ng kanyang kapatid.
Niyakap siya ng kapatid na si Melda nang makita siya. Napaluha pa. Matandang dalaga si Melda.
“Nasan si Kim, Melda.”
“Nasa labas lang siguro. Kuya.”
“Anong problema?”
“Hindi ko na yata ka-yang alagaan si Kim, Kuya. Sinasagot-sagot na ako. Nag-aalala ako na baka nababarkada dahil nagbabago ang ugali. Baka kako nagda-drugs…”
Napabuntunghininga si Fred.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending