Black Pearl (96)
MAY edad na kami kapwa ni Rina at dapat na talagang mamahinga na sa pagsa-saudi. Ipinasya na naming sa Pilipinas gugulin ang mga natitira pang sandali ng aming buhay. Wala naman kaming mahihiling pa liban sa anak pero natanggap na namin iyon. Maligaya kami kahit walang anak. Hindi na rin namin itinuloy ang balak na pag-ampon. Naisip ko, baka magdulot lamang ng gulo kung kukuha kami ng palalakihin. Marami nang pangyayari na ang inampon ang nagbigay ng problema.
Marami kaming naipong pera ni Rina. Dahil wala namang anak, kahit na magpakuya-kuyakoy ay puwede na. Kakain kami sa oras.
Yung bahay ko sa Lagro ay ipinagawa kong two-storey. Sabi ni Rina, dapat pa bang palakihin iyon e dalawa lang naman kami. At paano raw kapag nawa-la kami, sino ang makiki- nabang. Sagot ko, malay niya may sumulpot siyang kamag-anak at ganoon din ako. Katwiran ko, maranasan namin ang malaking bahay. Bago man lang mamaalam sa mundo ay makapag-enjoy sa buhay.
“Me malaki nga tayong bahay e wala naman tayong sasakyan,” sabi niya.
“E di bumili tayo.”
“Ay talagang gigil na gigil ka sa pera mo, Frankie Boy?”
“Ano pa. Ikaw baka gusto mong bumili naman ng helicopter.”
Nagtawa.
“Para me income tayo, ipagawa ko rin ang bahay ko, Frankie. Gawin kong dormitoryo. Me itatayong school sa malapit at tiyak ko kikita tayo roon.”
“Aba sige.”
Nangyari ang mga iyon. Sobra-sobra ang aming pera ni Rina. Yung naiuwi naming pera mula sa Saudi Arabia ay natriple pa. Wala na nga kaming mahihiling pa.
“Ano pa ang gusto mo Rina?”
“Wala na. Ikaw ano pang gusto mo, Frankie?”
“Wala na rin. Ikaw lang ang gusto ko.”
“Sweet naman.”
“Ano pa ba ang hihilingin ko ngayon kundi sana e sabay tayong mamaalam sa mundo. Kasi baka hindi ko kayanin kung mauuna ka.”
“Ay ano bang salita ‘yan. Parang kung magsalita ka e hukluban ka na. Para 65 years old ka lang at ako e 50 e kala mo bukas lilisan na tayo.”
“Nasasabi ko lang naman ang ganoon. Ibig kong sabihin, gusto e lagi tayong magkasama. Yun lang naman ang gusto ko ngayon at wala nang iba.”
“Wala ka na talagang balak na may malaman sa kaibigan mong si Fernando. Ano na kayang nangyari sa kanya ano?”
Nagtaka ako kung bakit si Rina ngayon ang nagkaroon ng interes kay Fernando. (Itutuloy)
- Latest
- Trending