^

True Confessions

Ebo at Adan (ika-95 na labas)

- Ronnie M. Halos -
(Batay sa kasaysayan ni D.M.L.)

IPINARADA ko ang kotse sa mismong harapan nang malaking bahay na ang mga haligi ay buhos na semento at nakaangat sa lupa ng pantay-tao. Ang bubong ay makapal na kugon. Ang hagdan ay gawa sa mga batong inukit. Maganda at malinis sa kabuuan ang bahay. Sa silong ay may tila opisina. Siguro’y doon nagbabayad ang mga nais mag-stay sa resort na iyon.

"Tao po!" tawag ko nang mapansing walang kumikilos sa ita- as ng bahay. Baka natututulog pa si Joan. Kung nag-iisa siya sa bahay na ito, nakapangangambang baka may umakyat at magnakaw o kung anumang masamang gawin. Ang tanging tao na nakita ko kanina ay ang nasa gate ng VILLA AURORA. At palagay ko, sa gabi ay wala na ang taong iyon. Kung araw lamang siya naroon para magbukas at magsara ng gate. Kanina nga ay hindi na ako tinanong kung saan ako pupunta. Delikadong may makapasok kung walang guwardiya sa gabi.

"Tao po! Tao po!" tawag kong muli.

Pero walang kumikilos sa itaas. Baka kaya tulog pa si Joan. Baka hindi namamalayang mataas na ang araw.

Ipinasya kong maglakad-lakad sa gawing kanan ng bahay. Gumawi ako sa may dalampasigan. Mula roon ay natanaw ko ang hanay ng mga kubong pahingahan. Mahaba ang linya ng mga kubo na hindi ko na matanaw ang dulo. Magkakasinglaki at iisa ang yari. Marahil ay napupuno ng mga nag-a-outing ang resort na ito kung summer. Tinanaw ko ang dagat. Asul na asul. Hindi maputi ang buhangin pero pinung-pino at napakalinis. Pinagmasdan ko ang banayad na hampas ng alon sa dalampasigan. Parang musika sa taynga. Naisip ko, napakasarap manirahan sa lugar na ito. Nakakalimutan ang problema.

Bumalik ako sa harap ng bahay. Tumawag muli ako. Wala talagang tao.

Nasa ganoon akong pag-iisip nang makarinig ako ng ugong ng tricycle. Papasok sa resort ang tricycle. Hanggang sa makita ko na papalapit na ito sa bahay. Maraming karga ang tricycle. Parang galing sa palengke.

Unang bumaba ang isang dalagita. Kasunod ay ang buntis na babae. Nang lumingon ang babae sa direksiyon ko, gusto kong mapasigaw sa katuwaan. Si Joan! Ang aking si Joan!

(Itutuloy)

AKO

ASUL

BAHAY

BATAY

BUMALIK

DELIKADONG

GUMAWI

HANGGANG

IPINASYA

SI JOAN

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with